MANILA, Philippines - Asahang magiging palaban ngayon ang Pilipinas sa overall race sa idaraos na 17th Asia Masters Athletics Championships na gagawin mula Nobyembre 2 hanggang 7 sa New Taipei City, Chinese -Taipei.
Umabot sa 24 ang atletang ipanlalaban ng bansa sa kompetisyong katatampukan ng tagisan sa iba’t-ibang track and field events sa magkakaibang age categories.
Ang delegasyon na pamumunuan ni National Masters and Seniors Athletic Association (NMSAA) president Manny Ibay ay aalis ngayon at kasama sa delegasyon ang mga mahuhusay na tracksters na aasahan sa mga gintong medalya.
Mangunguna sa grupo si Erlinda Lavandia na noong 2010 sa Kuala Lumpur, Malaysia ay nanalo ng tatlo sa limang gintong naiuwi ng delegasyon sa larangan ng discus throw, javelin throw at shot put.
Ang mga pole vaulters na sina Emerson Obiena at Tony Chee na nanalo rin ng ginto sa huling edisyon ay magbabalik din.
Pinalakas pa ang koponang may ayuda ng PSC at SportsCore Event Management and Consultancy (Score), ng pagpasok ng mga dating SEA Games gold medalists na sina Elma Muros-Posadas, Lerma Bulaitan-Gabito, Elenita Punelas, Danny Jarin at John Lozada.
Si Muros-Posadas ay sasali sa apat na events na long jump, 100m, 200m at 4x100m relay. Si Bulauitan-Gabito ay lalaban sa long jump at 4x100m relay, si Jarin ay sa hammer throw at discus throw at si Lozada ay sa 400m at 800m run.