MANILA, Philippines - Magiging abala ang itinalagang Comelec para sa POC election dahil sa mga protestang haharapin mula sa mga nagsumiteng kandidato.
Kahapon ang huling araw para sa mga nais na magprotesta na isulong ang kanilang mga reklamo sa Comelec at kasama sa mga kukuwestiyon ay ang Philippine Karatedo Federation.
Ang grupong pinangungunahan ni Jose Manansala ang siyang sinasabing maghahain ng reklamo laban kay Jose Romasanta na siyang kinikilalang pangulo ng PFK ng Philippine Olympic Committee (POC).
Hindi umano dapat na katawanin ni Romasanta ang PKF dahil nagdesisyon na ang Mataas na Hukuman na illegal ang isinagawa nilang eleksyon.
Bukod rito, dedesisyunan din ng Comelec na pinangungunahan ni dating Kongresista Victorico Chavez ang mga kasapi na sina Ricky Palou at Bro. Bernie Oca, ang kaso kay Go Teng Kok na kalaban ni Jose Cojuangco Jr. sa pampanguluhan ng POC.
Deklarado si GTK ng POC General Assembly bilang persona non grata ngunit sinabi ng Supreme Court na hindi makatarungan ito lalo pa’t isinuko ng POC ang kanilang mga argumento sa bagay na ito nang hindi siputin ang mga ipinatawag na pagdinig ng mataas na hukuman.
Sa Nobyembre 5 magpupulong ang Comelec hinggil sa mga bagay na ito.