Sina Reyes, Orcollo na lang ang panlaban ng Pinas sa US Open

MANILA, Philippines - Kakailanganin nina Efren “Bata” Reyes at Den­nis Orcollo na ipakita ang kanilang tibay ng dibdib upang mabigyan ang Pilipinas ng ikalawang titulo sa US Open 9-Ball Championship na nilalaro sa Holiday Inn sa Virginia Beach, Virginia, USA.

Sina Reyes at Orcollo ang nalalabing pambato ng Pilipinas sa 37th edisyon ng kompetisyon pero isa lamang sa kanila ang may tsansang mapalaban sa Finals depende pa sa kanilang ipakikita sa huling dalawang laro sa loser’s bracket.

Nakausad sa final  bracket mula sa winner’s side nang hiritan ng 11-7 panalo si Orcollo, minalas na natalo ang 58-anyos at natatanging Pinoy na nanalo sa torneo noong 1994 na si Reyes kay Fil-Canadian Alex Pagulayan, 5-11.

Bumawi si Reyes nang pagpahingahin na ang kababayang si Ronato Alcano, 11-9, para maikasa ang muling pagtatapat nila ni Orcollo na bumangon sa losers bracket at tinalo sina Li He-wen ng China, 11-8, at ang two-time defending champion Darren Appleton ng Great Britain, 11-7, at kababayang si Jose Parica, 11-4, sa final round.

Ang mananalo kina Reyes at Orcollo ay kaila­ngan pang manaig laban sa matatalo naman sa pa­gitan nina Pagulayan at  Shane Van Boening ng US.

Si Pagulayan na kampeon noong 2005 bitbit ang bansang Canada, at si Van Boening na hari noong 2007, ay magpapambuno para sa hot seat.

 

Show comments