MANILA, Philippines - Nakakuha ng tulong mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) si bodybuilder Luzviminda McClinton.
Si McClinton ay lalahok sa World Body Figure and Fitness (WBFF) Body Building Championship sa Oklahoma, USA sa Nobyembre 10.
Ang PCSO na pinamumunuan ni Margie Juico ang sasagot sa plane ticket ni McClinton kasama ng kanyang anak.
Hanap ni McClinton, kilala rin sa taguring “Mama Luz” noong napasama sa Pinoy Big Brother, na magbigay uli ng karangalan sa Pilipinas sa larangan.
Nakilala si McClinton nang hinirang bilang kauna-unahang female body builder ng bansa na nanalo sa Pro Fame World Championship sa US noong 2010.
Mula rito ay patuloy na ang panalong nakukuha nito kabilang na ang overall title sa Phil-Asian Pacific International Body Building Championships na ginawa sa Mariners Court sa Pier One sa Cebu City noong Setyembre 22.
Ang mga tinalo ni McClinton sa Cebu ay sina Katsuaki Suzuki ng Japan, Shania Sidoarjo ng Indonesia at ang kambal na sina Susan at Imee Sukma ng Malaysia.