MANILA, Philippines - Matutunghayan pa rin ang husay ng magkapatid na sina Phil at James Younghusband sa 2012 AFF Suzuki Cup na gagawin sa huling linggo ng Nobyembre sa Bangkok, Thailand.
Sa 35 opisyal na manlalaro na ipinadala ng PFF sa Asian Football Federation, kasama ang magkapatid sa 22 na pagpipilian para tulungan ang Pilipinas na makalaro uli sa semifinals ng prestihiyosong torneo.
Nasa talaan din ang mga Fil-foreign goal keepers na sina Neil Etheridge at Ronald Muller na hindi pa tiyak kung makakasama sa Suzuki Cup dahil ang mga pinaglalaruang koponan na Bristol Rovers at MSV Duisburg ay sinasabing may mga laro habang isinasagawa ang torneo.
Ang iba pang Azkals na nakasama noong nagkampeon sa 1st Philippine Peace Cup at sa Middle East Camp na kung saan tumabla ang koponan sa Bahrain, 0-0, at dikitang natalo sa Kuwait, 1-2, ay inilista rin sa talaan.
Nangunguna rito si Denis Wolf, ang nanalo ng Golden Boot award sa Peace Cup, Chieffy Caligdong, Demitrius Omphroy, Ray Jonsson, Dennis Cagara, Jerry Lucena at Angel Guirado.
Ihahayag ng management ng Team Azkals ang kanilang 22 manlalaro na bubuo sa official rosters sa Nobyembre 23 habang 20 manlalaro (first 11 at 9 subs) ang gagamitin sa bawat laban.
Ang Pilipinas ay nasa Group A kasama ang Thailand, Vietnam at Myanmar na kanilang haharapin sa Nobyembre 24, 27 at 30.