37TH Us Open 9-ball Championship Kiamco, Mistica may pag-asa pa

MANILA, Philippines - Humihinga pa ang mga nasa loser’s bracket na sina Warren Kiamco at Ramon Mistica nang maipanalo ang unang laro sa grupo sa 37th Annual US Open 9-Ball Championship sa Holiday Inn sa Virginia Beach, Virginia, USA.

Natalo kay Tommy Kennedy (7-11) sa ikala­wang laro sa winner’s group, pinawi ni Kiamco ang pangyayari gamit ang 11-0 panalo kay Jo Garcia, para umabante sa third round laban kay Mark Showalter.

Si Mistica na bumagsak kay Nick Van Den Berg (3-11) ay nangibabaw laban kay Larry Faulk, 11-6, upang itakda ang pagtutuos laban kay Danny Mastermaker.

Ang walong Filipino cue-artists na nasa winner’s group ay balik-aksyon ngayon at ang mga magtatapat ay sina Efren “Bata” Reyes at Thorsten Hoh­mann ng Germany; Dennis Orcollo at Mark Gray ng Great Britain; Jose Parica at Donny Mills ng USA; Santos Sambajon at Fil-Canadian Alex Pagulayan; Israel Rota at John Morra ng USA; Ronato Alcano at David Alcaide ng Spain; Francisco Bustamante at Mika Immonen ng Finland at Carlo Biado at Tom D’Alfonso ng Italy.

Hanap ng Pilipinas na makakuha uli ng titulo sa prestihiyosong torneo.

Si Reyes pa lamang ang natatanging Pinoy na nanalo sa torneo noong 1994. Si Pagulayan ay nanalo rin sa nasabing torneo noong 2005 pero bitbit niya ang bansang Canada.

Show comments