MANILA, Philippines - Inaasahang parurusahan ng NCAA si Letran coach Louie Alas matapos niyang muntik sugurin si technical committee official Romy Guevarra sa huling segundo sa Game Two ng 88th NCAA men’s basketball Finals laban sa San Beda noong Sabado.
Nabanas si Alas nang pakitaan siya ng ‘dirty finger’ ni Guevarra na tila tugon nito matapos sumenyas ng ‘cut-throat’ ang una sa huling bahagi ng ikatlong yugto bilang protesta sa officiating.
Nanalo ang Knights sa Red Lions, 64-55, para itulak ang Game Three na naunang itinakda sa Oktubre 25 sa Smart Araneta Coliseum.
Walang magbigay ng opisyal na komento hinggil sa bagay na ito at kahit si league commissioner Joe Lipa ay tumangging magsalita kahit inaming may ibinigay ng rekomendasyon sa NCAA Management Committee.
“Yes but talk to Fr. Vic (Calvo),” text ni Lipa.
Ayaw naman magsalita rin ni Fr. Calvo na siyang chairman ng Mancom dahil ang kanyang paaralan ang nasasangkot kaya’t ipinaubaya na lamang niya kay Dax Castellano ng La Salle-Greenhills ang bagay na ito.
Alinman umano sa public apology at one-game suspension ang mangyayari kay Alas.