EDITORYAL - Krimen, dumarami ‘alang pulis sa kalye

SUNUD-SUNOD ang mga nangyayaring pamamaril kahit sa katindihan ng sikat ng araw at kahit may nakakakita. May mga holdaper na umaatake kahit sa matataong lugar. Walang takot kung hablutin ang bag ng naglalakad na babae. May mga holdaper na basta lalapitan ang kasalubong na bibiktimahin at walang anumang tututukan at kukunin ang cell phone at pera. Walang anumang maglalakad palayo ang holdaper na parang walang nangyari.

Modus ng mga holdaper at snatcher ngayon na magmotorsiklo o riding in tandem. Susundan ang bibiktimahin at saka hahablutin ang bag o cell phone. Maraming kasong ganito sa Sampaloc area pero walang naaaresto. Paulit-ulit ang pambibiktima sa mga em­pleyado ng call center na gabi o madaling araw kung umuwi. May mga estudyanteng nabibiktima na walang magawa kundi ipagpasa-Diyos na lamang ang sinapit. Ang mga kawawa ay ang hinoldap na ay pinatay pa.

Walang mahingian ng tulong ang mga kawawang biktima. Walang makitang pulis na nagroronda lalo sa gabi. Paano makakaresponde ang mga pulis na nasa malamig na police station at inaatupag ang pagsi-cell phone.

Wala na ang panahon na nag-iikot ang PNP chief sa mga police station at sinisigurong ginagampanan ng mga pulis ang tungkulin sa mamamayan. Naglaho na ang panahon na ang PNP chief ay sorpresang dadalaw sa mga presinto para manghuli ng mga tutulug-tulog na pulis.

Pangarap na lang ang pagkakaron ng PNP chief na nararamdaman ang pangangailangan ng mamamayan sa oras ng panganib. Kailan kaya magkakaroon ng PNP chief na ang paglilingkod ay nasa puso at hindi pangsarili lamang.

Daming nangyayaring krimen at maaaring dumami pa kung hindi kikilos ang PNP. Maraming baril na nakakalat na ginagamit para maghasik ng lagim. Hindi lamang sa Metro Manila, umaalagwa ang krimen kundi pati sa probinsiya. Wala nang takot ang mga criminal. Nalalaman na walang pulis na nagbabantay sa kalye.

Kamakalawa, pinagbabaril hanggang sa mapatay ang assistant schools division superintendent ng Sulu. Nangyari ang pamamaril sa kaliwanagan ng araw at karamihan ng tao.

Ayon sa Police Regional Office-Bangsamoro ­Autonomous Region, palabas na sa kanilang ­office compound sa San Raymundo, Jolo si Sonatria ­Dandun Gaspar, nang lapitan ng isang lalaki at binaril sa ulo na agaran nitong ikinamatay. Agad tumakas ang gunman. Walang nakarespondeng pulis.

Pinalawig naman ng apat na buwan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang termino ni PNP chief ­General Rommel Marbil. Maglilingkod hanggang Hunyo si Marbil. Sana sa ibinigay na extension kay Marbil, ipag-utos niyang magkaroon ng pulis sa ­lansangan upang maproteksiyunan ang mamamayan.

Show comments