Babaing may mahigit 40 allergies, pati sa tubig ay allergic siya!

ISANG 19-anyos na babae sa Hampshire, England ang may napa­karaming allergies, isa na rito ay sa tubig! Dahil dito, napipilitan siyang gumamit ng color-coded na listahan para bantayan ang lahat ng maaaring magdulot sa kanya ng matinding allergic reaction.

Si Chloe Ramsay ay lumaking may matin­ding allergy sa iba’t ibang pagkain, gaya ng saging at patatas, na minsan nang nagdulot sa kanya ng anaphylactic shock. Sa ngayon, mahigit 40 bagay na ang hindi niya maaaring makasalamuha, kabilang ang ilang prutas, pabango, at maging ang tubig.

Na-diagnose si Chloe noong June 2023 na may pollen food syndrome, na nangangahulugang sensitibo siya sa anumang bagay na may pollen, kabilang ang matatamis, prutas, at pabango.

Pero ang pinakanaka­kagulat niyang kondisyon ay ang aquagenic urticaria—isang bihirang allergy sa tubig. Kapag hindi siya nakainom ng gamot, nagkakaroon siya ng matinding pantal kapag naliligo o nababasa ng ulan, na nagiging dahilan para gusto niyang kamutin hanggang magsugat ang kanyang balat.

Bukod sa tubig, allergic din siya sa halos lahat ng prutas, ilang pagkain, at kahit mga pabango. Hindi siya basta-basta makakain sa labas, kaya’t palagi niyang tinitingnan ang menu para siguraduhing ligtas siya.

Noong nakaraang taon, nabigyan siya ng matapang na gamot na iniiniksyon buwan-buwan para kontrolin ang kanyang allergies. Sa tulong nito, halos nawala na ang kanyang reaksiyon sa tubig, pero marami pa rin siyang kailangang iwasan.

Narito ang mahaba-habang listahan ng mga bagay na may allergy si Chloe: ­Peanuts, hazelnuts, soya, pinausukang karne, ka­matis, carrots, apricot, saging, blueberry, blackberry, cherry, cranberry, ubas, grapefruit, kiwi, mangga, orange, papaya, peach, peras, raspberry, strawberry, wine gummies, Haribo, Skittles, jelly beans, Tubig, pollen, alikabok, buhangin, amag, aso, pusa, kagat ng insekto, pandikit, face paint, pabango, kandila, air freshener at deodorant.

Sa dami ng bawal sa kanya, hindi niya  matandaan lahat ng mga ito kaya gumagamit siya ng spreadsheet na may traffic light color system—berde para sa ligtas, dilaw para sa mga maa­aring maging delikado, at pula para sa mga tiyak na magdudulot ng ma­tinding allergic reaction.

Bagama’t mahirap ang kanyang sitwasyon, natutunan na lang daw niyang tawanan ito. “Sobrang malas ko! Minsan nga, tinutukso ako ng magulang ko—baka raw sunod kong maging allergy ay oxygen!” biro niya.

  

Show comments