CARPAL tunnel syndrome ang tawag kapag ang ugat ay nabarahan o namaga, naiipit at nakaaapekto sa pakiramdam at paggalaw ng kamay. Kailangan itong gamutin upang huwag masira ang nerve at muscle.
Ang mga factors sa pagkakaroon ng carpal tunnel syndrome ay ang mga mabibigat na trabaho dahil sa pressure sa palad, paulit-ulit na pagbubuhat ng mabibigat at matinding pagkilos ng kamay.
Sintomas ng carpal tunnel syndrome ang mga sumusunod:
Tingling o pamamanhid ng hinlalaki, hintuturo, gitnang daliri at palasingsingan. Ang ganitong pakiramdam ay nararanasan sa gabi at paggising. Gayundin habang nagmamaneho, may hawak na telepono o diyaryo.
Sintomas din ang pakiramdam na parang nanghihina ang mga kamay kaya may pagkakataon na nabibitawan ang hawak.
Tips sa carpal tunnel syndrome:
1. Ipahinga ang kamay – Sa bawat oras ng trabaho, magpahinga ng kahit limang minuto, dahan-dahang i-stretch ang palad at kamay.
2. Baguhin ang iyong mga gawain – Mas mabuti kung baguhin o ibahin ang mga gawain kung ito ay posible.
3. Ideretso ang kamay – Iwasang baluktutin ang palad ng pataas o pababa. I-relax o wag masyadong higpitan ang paghawak. Iwasan humawak ng mahigpit habang nagmamaneho, nagbibisikleta at nagsusulat.
4. Lagyan ng hot compress ang kamay – Puwede ring magsuot ng gloves para mapanitiling mainit ang kamay at palad.
5. Gumamit ng wrist splint sa gabi para deretso ang porma ng kamay – Ang wrist splint ay nakatutulong mabawasan ang sakit o pamamanhid ng palad at kamay. Ang splint ay dapat na hindi sobrang sikip. Ayaw natin naka-baluktot ang kamay dahil naiipit ang nerve.
6. Kung ang sintomas ay lumalala, magpatingin sa doktor – Ang splints, therapy o injection ay puwedeng irekomenda ng doktor. Kung nawawalan na ng lakas ang kamay, puwede itong operahan kung kinakailangan.