4th impeachment vs VP Sara isasampa

Habang wala pang aksiyon ang Mababang Kapulungan­ sa tatlong impeachment complaints na isinampa laban kay VP Sara Duterte, may balak pang magsampa ng pang-apat na reklamo ilang araw mula ngayon. Ito ay ayon kay House Secretary General Reginald Velasco. The more, the merrier, sabi ng ilan.

Pero kuwidaw. Minsan ginagamit ang estratehiya sa pag­sasampa ng mahinang reklamo upang hindi ito magta­gum­pay at mabigo ang anumang plano na patalsikin ang isang impeachable official.

Ani Velasco, maaaring ihain ang reklamo sa Lunes. Pero nananatili ang tanong na, maaasikaso pa ba ito ng mga mam­­babatas na magiging very busy na sa paghahanda sa mid­­term elections? Sagot ng ilang solons, marami pa rin naman na hindi pa matatapos ang termino kaya puwedeng-puwede pa itong harapin. Wala pang inaanunsiyo kung sino ang mag-eendorso sa impeachment complaint.

Sabi ni Velasco, kung ihahain ito sa Lunes, siya ang mag­dedesisyon kung isusumite ito kay House Speaker Martin Romualdez o ire-refer muna sa legal department upang aralin munang mabuti. Mas mabuti kung pag-aralan muna ito. Tatlo na ang reklamong nakaharap, bakit kaila­­ngang dagdagan pa?

Tingnan na lang kung alin sa mga reklamo ang malakas at may malaking tsansa na manalo. Palagay ko naman, maliban na lang kung sympathizer ni Sara ang isang mam­babatas, hindi nito papayagang lumusot ang isang mahinang reklamo. At sa nakikita ko, Mukhang overwhelming naman ang sentimiyento ng Mababang Kapulungan na ma-impeach si Sara.

Sa Senado lang ang nakikita kong problema dahil san­damakmak dito ang mga enablers at supporters ng mga Duterte. Kaya sana, suriin natin ang katakter ng mga kakan­didato kung sila ba ay loyal sa bayan at mamamayan. Huwag nating iboto kung ang loyalty nila ay sa iilang tao na pina­panginoon nila.

Show comments