Isa sa mga overseas Filipino workers na merong isinusulong na adbokasya sa pangingibang-bansa ang 40-anyos na Bikolanang inhinyerang si Ma. Luz Manalo na nagtatrabaho bilang research engineer sa bansang Singapore. Hindi lang iyong mas malaking kita ang hinahabol nila kundi maisulong din ang kanilang mga simulain sa buhay.
Walong taon nang nagtatrabaho si Manalo sa Solar Energy Research Institute of Singapore (SERIS) na nagsasaliksik, nagpapaunlad, sumusubok at nagsasagawa ng consulting hinggil sa mga teknolohiya ng solar energy na isa sa mga matagal nang sinasabing solusyon sa problema sa climate change sa mundo. Laking pasasalamat niya na nakakita siya ng trabaho dito na tumutugma sa kanyang adbokasya laban sa global warming.
Ayon sa isinulat ni Gladys Serafica sa Philippine News Agency, nag-aaral pa lang si Manalo ng kursong chemical engineering sa Bicol University nang salantain ng ma-lakas na Bagyong Reming noong 2006 ang kanilang lugar sa Albay, ilang barangay ang lumubog sa mga putik na umagos mula sa Bulkang Mayon, maraming tao ang namatay at ilang buwang walang kuryente ang lalawigan.
Hindi lingid kay Manalo ang siyensiya sa likod ng naturang trahedya. “Nang panahong iyon, napag-isipan ko kung gaano kahalagang maharap natin ang climate change. Itinulak ako ng karanasang ito na gamitin ang aking kaalaman at technical skills para maitaguyod ang mga pangmatagalang solusyon sa mga tunay na prob-lema ng mundo,” saad niya sa Ingles.
Natamo niya ang pangarap na ito nang maging research engineer siya sa SERIS ng National University of Singapore noong 2016. Nagtatrabaho si Manalo sa labora-toryo para gumawa ng mga solar cell (photovoltaic cells) na nagsisilbing building blocks ng solar modules. Ginagawa nitong kuryente ang init mula sa araw kaya ma-halaga ang papel ng solar modules sa transisyon sa renewable energy dahil binabawasan nito ang pangangailangan sa fossil fuels at maibsan ang climate change.
“Ang mga fossil fuel ay lumilikha ng maraming carbon dioxide emission na nagpapalubha sa global warming. Mas mainam at mas malinis na alternatibo sa fossil fuel ang renewable energy. Masagana sa solar power ang Pilipinas at Singapore da-hil mga tropical countries sila,” paliwanag pa ni Manalo.
Binanggit pa niya na kahit nakakaakit ang mas malaki niyang kinikita sa kanyang trabaho, naniniwala siyang meron siyang mas mataas na layunin na nagtulak sa kanya na manatili sa ibang bansa kahit nakakalungkot na mapalayo siya sa kanyang bayan.
“Walong taon na ako sa trabahong ito. Tumatagal ako rito dahil ang ginagawa namin ay makakatulong balang araw na mapabagal ang epekto ng climate change,” wika pa ni Manalo na unang nagtrabaho sa isang wastewater treatment and research laboratory sa Singapore noong 2013 bago siya lumipat sa SERIS. Bukod sa mas mataas na suweldo, nakumbinsi siyang tanggapin ang naunang trabahong inialok sa kanya sa Singapore para maranasan niyang makapunta sa mga lugar sa labas ng Pilipinas. Nabatid na noong nasa Pilipinas pa siya, nagtrabaho muna siya sa isang solar cell manufacturing plant sa Batangas. Malaking tulong ang kanyang pinag-aralan sa engineering para maisulong ang kanyang karera sa ibayong-dagat.
Samantala, nagsisilbing sukatan ng kanyang tagumpay sa mahigit isang dekadang pagtatrabaho sa ibang bansa ang pagkakaroon ng healthy work-life balance. “Sa usaping pinansiyal, nakabili ako ng isang lupa sa Albay at me-ron akong itinatag na ilang investment at retirement fund,” pagbabahagi ni Manalo na nagpayo sa mga kapwa niya OFW na maging financially literate at mag-aral ng mga bagong kaalaman at kasanayan habang nasa ibang bansa.
Bukod dito, nakabiyahe siya sa iba’t ibang lugar sa labas ng Singapore, “ginalugad ko ang iba’t ibang mga kultura at ginawa ko ang mga gusto kong gawin kapag walang trabaho tulad ng panonood at pakikinig sa mga musical at concert, pag-aaral sa bak-ing classes o mag-‘hiking’ kapag weekend.”
Inaamin ni Manalo na gusto niyang makasamang muli ang kanyang 82-anyos na ina pero hindi pa siya tuluyang babalik sa Pilipinas dahil nais pa niyang isulong ang kanyang simulain sa ibayong-dagat.
Naniniwala rin si Manalo na ang husay at pakikibagay ng mga Pilipino sa trabaho ang nagiging dahilan kaya maraming OFW ang nakakapagtrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Sa pinagtatrabahuhan kong institute, ilan sa mga kasamahan ko ang nagbibiro na hindi tatakbo ang laboratoryo kung walang mga Pinoy. Kapag merong isyu, maaa-sahan nila ang mga Pinoy na mag-isip ng solusyon dito,” wika pa niya. Maging ang dati niyang team leader na si Dr. Pradeep Padhamnath ay kumikilala sa kanyang kontribusyon sa SERIS.
Sa isa nilang proyekto, ginunita ni Dr. Pradeep ang pangunguna ni Manalo hindi lang sa pagharap sa kahilingan ng kanilang industry partner sa pagtitiytak na makukumpleto sa oras ang eksperimento.
“Bilang isang OFW, ilan sa natutuhan ko ang umangkop sa mga bagong bagay at maging bukas sa iba’t ibang perspektiba. Dito, nakakatrabaho ko ang mga tao na magkakaiba ang kultura. Malaking bagay na wala kang prejudice,” dagdag pa niya.
* * * * * * * * * * *
Email- rmb2012x@gmail.com