Pechay at iba pang gulay

Mahilig ba kayo sa gulay? Subukan ang pechay sapagkat napakaraming benepisyo nito sa katawan. Narito:

1. Para kumpleto sa bitamina – Ilan pa sa mga masustansiyang gulay ay ang broccoli, cauliflower, kangkong, ampalaya, malunggay, spinach, talong, at okra.

2. Panlaban sa sakit – Ang gulay ay maganda ring panlaban sa sakit tulad ng sakit sa puso, high blood pressure, diabetes, at sakit sa tiyan.

3. Makaiiwas sa kanser – Ayon sa pagsusuri, ang pagkain ng sapat na gulay at prutas araw-araw ay makababawas sa pagkakaroon ng kanser ng 3 to 10%.

4. Para maging regular ang pagdumi – Mataas ito sa fiber na parang nagsisilbing walis na lumilinis sa ating bituka. Bawasan ang pagkain ng karne at taba na kulang sa fiber.

5. Panlaban sa stress – Ang gulay ay mataas sa vitamin B, na makatutulong sa ating ugat (nerves) at makababawas sa stress. Kumain ng dalawang tasang gulay at dalawang tasang prutas bawat araw.

Malunggay

Napakasustansiya ng malunggay. Marami itong bitamina na mahalaga sa katawan.

Ang dahon ng malunggay ay punumpuno ng calcium at iron. Ang calcium ay nagpapatigas ng ating buto at panlaban sa osteoporosis. Kung anemic o kulang sa dugo, sagana ang malunggay sa iron na nagpapadami ng dugo.

Mataas din sa protina, potassium, vitamin A at vitamin C ang malunggay. Ang mga bitaminang ito ay tinatawag na anti-oxidants. Ito yung lumalaban sa stress at nagpapabagal sa pag-edad ng ating katawan.

Ang bunga ng malunggay ay masustansiya rin at mataas sa carbohydrates, calcium, iron at phosphorus.

At dahil sa bitamina nito, ang malunggay ngayon ang pinapakain sa mga payat at malnourished na bata. Mura at masustansiya ang malunggay. Puwedeng-puwede sa mga feeding program ng gobyerno at mga volunteer groups.

Narito pa ang mahahalagang dulot ng malunggay:

1. Pampalakas ng katawan – Kumain ng 1 tasang dahon ng malunggay araw-araw para mapunuan ang bitaminang kailangan ng katawan.

2. Pamparami ng gatas ng ina – Kapag kulang ang gatas ng ina, kumain din ng 1 tasang dahon araw-araw. Puwede din pakuluan ang dahon at gawing tsaa at inumin.

3. Para sa constipated – Kapag ika’y tinitibi, kumain din ng 1-2 tasang dahon sa gabi. Makatutulong ito sa pag-normal ng iyong pagdudumi.

4. Itapal sa sugat – Kapag ika’y may sugat, puwedeng ilagay ang dinurog na malunggay leaves sa sugat. Hugasan muna ang dahon at durugin ito. Lagyan ng konting tubig at initin. Pagkatapos ay ilapat ang malunggay “paste” sa sugat.

Kamote

HINDI biro ang mga benepisyong makukuha sa pagkain ng kamote. Mabuti ito para sa puso, mata, tiyan, diabetes at nagpapapayat. Mura rin ito at mabibili sa buong taon.

1. May beta-carotene or provitamin A para sa mata, puso, pagbabara ng ugat at kakulangan ng daloy ng dugo sa mga ugat ng puso at ulo, at sa immunity.

2. Nababagay ang kamote sa may diabetes dahil mababa sa glycemic index kaya dahan-dahang magpataas ng asukal sa dugo. Puwede din sa mga atleta, may mabigat na trabaho o nagpapagaling na may sakit.

3. Ang kamote ay bagay sa nagpapapayat dahil mababa sa calories, matagal na busog kaya hindi makakakain nang marami.

4. Merong protease inhibitor na maaring makatulong sa pag-iwas ng kanser.

5. Meron iron at vitamin C pinagsama na sa isang gulay.

6. Sa may kidneys stones, may calcium oxalate ang kamote kaya katamtaman lamang ang kainin.

7. Maganda sa tiyan ang kamote dahil tumutulong sa pagbuhay ng healthy bacteria sa tiyan tulad ng Bifidobacterium at Lactobacillus na bagay sa makulo ang tiyan at pagtatae.

8.Masustansiya rin ang talbos ng kamote at maraming naidudulot na kabutihan sa katawan.

Monggo

Maraming benepisyo ang monggo sa puso, utak at katawan. Hindi ito masama o bawal sa arthritis. Puwede itong kainin dahil napakasustansiya.

1. Mahusay ang monggo para sa mga lumalaking bata at sa matatanda din dahil sa kumpleto sa bitamina at mineral.

2. Bagay sa may diabetes at maganda sa puso dahil walang cholesterol at ang fiber sa monggo ay laban sa bad cholesterol.

3. Ang high fiber nito ay may cholecystokinin, para mabilis mabusog, mas konti ang makakain, kaya mas makakapagbawas ng timbang. Bagay din sa nagtitibi at may IBS o Irritable Bowel Syndrome na maganda sa tiyan at pagtunaw.

4. Puwedeng kainin ng maysakit sa atay dahil pinagkukunan ng protina, albumin at globulin, isoleucin, leucine, valine.

5. Puwede rin sa may sakit sa kidney kasi ang protina nito ay galing sa gulay at hindi sa karne.

6. Merong folate o folic acid ay dapat kakainin ng nanay na buntis para sa nervous system ng sanggol.

7. Maraming taglay na iron na nagdadala ng oxygen sa buong katawan at sa utak para focus at maganda ang memorya kaya bagay sa matanda, bata na nag-aral at anemic.

8.Kumain ng monggo sapagkag pampalakas ng immunity at may kakayahang makaligtas sa pagkakasakit.

Show comments