NAUWI sa iyakan ang pagbisita ng isang pari sa isang paaralan sa Hampshire, England matapos nitong sabihin sa mga batang estudyante doon na hindi totoo si Santa Claus!
Sa isang klase ng Religious Education sa Lee-on-the-Solent Junior School, binuking ni Rev. Dr. Paul Chamberlain ang masayang imahe ni Santa Claus sa isip ng mga mag-aaral na may edad 10 at 11.
Ayon sa mga magulang, maraming bata ang umiyak sa klase matapos sabihin ng pari na si Santa ay kathang-isip lamang at ang mga magulang nila ang tunay na naglalagay ng regalo sa ilalim ng Christmas tree.
Sinabi rin nito na ang mga magulang ang kumakain ng mga cookies na iniiwan para kay Santa tuwing bisperas ng Pasko.
Dahil sa insidente, agad na nagpadala ng liham ang Headmistress ng paaralan sa Diocese na kinabibilangan ni Rev. Chamberlain upang ipaliwanag ang insidente.
Inamin ni Rev. Chamberlain na isa itong pagkakamali sa kanyang panig at nagbigay siya ng “buong pusong paghingi ng paumanhin” sa mga estudyante, mga magulang, at sa paaralan.
Hindi ito sapat para sa ilan sa mga magulang, na nagsabing nabawasan ng saya ang kanilang Pasko dahil sa mga sinabi ng pari.
Isa sa kanila ang nagsabing, “Hindi ko alam kung paano pa maibabalik ang paniwala ng aking anak kay Santa Claus.” Samantala, ang ilang magulang ay nagkusa nang muling ibalik ang paniwala kay Santa Claus sa pamamagitan ng mga masasayang activities tulad ng storytelling.
Upang maibalik ang saya sa paaralan, nagtulungan ang mga guro at mag-aaral sa paggawa ng mga badge na may nakasulat na “Lee-on-the-Solent Believe” bilang paalala ng kahalagahan ng Pasko at ng mga kuwento nito.
Ayon sa Diocese of Portsmouth, ang pari ay naroon upang magturo tungkol sa kuwento ng Kapanganakan ni Hesus ngunit lumihis ang talakayan sa usapin ng pagkakaroon ng Santa Claus.
Inamin ni Rev. Chamberlain na hindi niya dapat ito ginawa at humingi siya ng tawad para sa nagawa niyang “pambubuking kay Santa Claus”.
Sa kabila ng insidente, nananatili ang pagsisikap ng paaralan na panatilihing masaya ang Christmas holidays.