EDITORYAL - Hindi nasisindak ang agri smugglers

Patuloy ang smuggling ng agricultural products sa kabila na may batas ukol dito na may katapat na mabigat na parusa. Nagpapatunay lamang ito na hindi nasisindak ang agri smugglers at hinahamon ang pamahalaan ni President Ferdinand Marcos Jr. Isang malaking insulto sa pamahalaan ang ginagawang ito at dapat lagyan ng ngipin ang batas.

Noong Lunes (Disyembre 23), nakasamsam ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Bureau of Plant Industry (BPI) ng P1.5 milyong halaga ng mga smuggled na puting sibuyas at mga frozen na karne sa isang bodega sa Taguig City. Dalawang tao ang naaresto. Ayon sa mga awtoridad, nakumpiska sa bodega ang mga sibuyas, karot, luya, at bawang na galing China.

Sa katapat na grocery, nasamsam naman ang mga frozen na karne at isda na karamihan ay nabubulok na. Galing din sa China ang mga karne at isda. Walang lisen­siya sa pag-import at pamamahagi ng mga pro­dukto ang dalawang establisimyento. Tumanggi ang mga may-ari na magkomento. Kinasuhan sila ng pag­labag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at Consumer Act of the Philippines.

Nilagdaan ni Marcos ang Agricultural Economic Sabotage Act noong Setyembre 26, 2024 na ang layunin ay mahinto na ang agricultural smuggling sa bansa na nagdudulot nang malaking perwisyo sa bansa at pumapatay sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka. Sa ilalim ng batas, habambuhay na pagkakulong at multang limang ulit ang halaga sa ipinuslit na produkto ang kaparusahan.

Subalit sa halip na mapigilan ang smuggling ng agri products, lalo pang naging mabangis ang mga salot. Ilang araw lang makaraang lagdaan ang batas, nakakumpiska ang Department of Agriculture at Bureau of Customs ng P3.5 milyong halaga ng sibuyas sa Manila South Harbor. Sumunod na linggo, nakasamsam uli ang DA at BOC ng 300 tonelada ng smuggled na sibuyas at carrots sa dalawang malalaking bodega sa Navotas City.

Sa mga isinagawang pagdinig sa House of Representatives at Senado, may mga binanggit na importer na kakutsaba ng mga negosyante na nagmamanipula sa presyo. Ang kutsabahan ng importers at negos­yante ang dahilan kaya nagmamahal ang presyo ng agri products. May cartel sa bigas kaya kahit inalis ang buwis sa rice importation, mataas pa rin ang presyo sa pamilihan. Sa kasalukuyan, ang presyo ng bigas ay P40 hanggang P50 bawat kilo na hindi kayang abutin ng mga mahihirap na Pilipino.

Patuloy ang kabuktutan ng agri smugglers at maging­ ang mga kakutsabang negosyante. Nasaan ang panga­kong tutugisin ang mga ito at pagbabayarin?

Show comments