Bakit kumukulubot ang mukha?

Maraming bagay ang nagdudulot ng wrinkles. Ang balat natin ay gawa sa isang matibay na keratin na hindi pinapasok ng tubig. Sa ilalim ng balat ay may collagen, elastin fibers, nerves at blood vessels, at may makapal na layer ng taba.

Sa edad 20 hanggang 30, nababawasan na ang paggawa ng collagen ng balat. Parang isang rubber band ang collagen at ito ang nagpapakinis ng balat. Pero sa pag-edad, ang mga collagen at elastin fibers ay kumakapal at lumuluwag. Ito ang dahilan ng pagkulubot ng balat. Nababawasan din ang moisture sa balat at lumiliit ang fat cells sa ilalim ng balat.

Sa edad 40, titigil na ang paggawa ng collagen ng balat­. Ang natitirang collagen at elastin fibers ay unti-unting nababali, tumitigas at parang rubber band na lumuluwag. Ito ang nagdudulot ng wrinkles.

Sa edad 50, ang balat ay nanunuyo at madaling magasgas. Nababawasan ang mga oil glands. Kapag ang babae ay nag-menopause, manunuyo at magiging manipis din ang balat.

Ang pag-kulubot ng balat ay namamana rin sa magulang. Kapag makinis ang mukha ng iyong magulang ay marahil makinis din ang iyong balat.

Ang pag-edad ay hindi natin maiiwasan. Pero mayroon tayong magagawa para gumanda ang ating kutis. Heto ang aking payo:

1. Huwag magbilad sa araw. Ang araw ay nagpapakulubot ng balat, nagdudulot ng freckles at posibleng magka-skin cancer pa dahil sa UV light. Magtago sa matinding sikat ng araw mula 10:00 a.m. hanggang 4:00 p.m.

2. Gumamit ng sunblock na may taglay na SPF 15 o 30.

3. Itigil ang paninigarilyo at pag-inom ng alak. Ang pani­nigarilyo ay nakatatanda dahil nababawasan ang daloy ng dugo sa balat. Ang alak naman ay nagdudulot ng wrinkles dahil hihina ang resistensiya at babagsak ang katawan.

4. Uminom ng walong basong tubig araw-araw para ma­natiling malambot ang balat.

5. Kumain ng dalawang tasang prutas at dalawang tasang gulay araw-araw. Sagana ito sa vitamins A, C, E at biotin na tinuturing na anti-oxidants. Umiwas sa pagkaing matataba, mamantika at sitsirya.

6. Magbawas sa stress at maging masayahin. Tumawa ka at ikaw ay gaganda.

Show comments