Halos araw-araw ay may umaalis na Overseas Filipino Workers (OFWs). Karamihan sa kanila ay patungong Saudi Arabia, Kuwait, Hong Kong, Singapore at marami pang bansa sa buong mundo. Tinatayang 10 milyong OFWs ang nakakalat sa maraming bansa at inaasahang madaragdagan pa. Naging kakambal na ng mga Pilipino ang pag-alis at magtrabaho sa ibang bansa. Sa kasalukuyan, kilalang-kilala ang Pilipinas sa pagpapadala ng workers sa ibang bansa.
Nagsimula ang exodus ng OFWs noong dekada 70. Maraming trabahador na Pinoy ang nagtungo sa Saudi Arabia. Malaki ang naitulong ng OFWs sa pagtatayo ng modernong Saudi Arabia. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga Pinoy sa Saudi. Dati mga trabahador ang nagtutungo roon, ngayon, mga nurses, engineers, architect at pati na rin domestic helpers.
Sa kasalukuyan, nagre-remit ang landbased-OFWs ng $2.48 bilyon samantalang ang seabased-OFWs ay $600 milyon. Malaking tulong sa ekonomiya ng bansa ang ipinadadala ng OFWs. Nangunguna naman ang mga OFWs sa United States sa may pinakamalaking remittances at pangalawa ang Saudi Arabia.
Sa malaking tulong ng OFWs, tanggap na ng lahat na ang pinakamahalagang ini-export ng Pilipinas ay mga workers. Kung ang ibang bansa ay mga mahahalagang produkto ang ini-export, ang Pilipinas ay OFWs. Mahabang panahon na ito ang ini-export at masakit mang tanggapin, marami sa mga ini-export na OFWs ay nagdaranas ng mga hindi makataong pagtrato sa kanilang employer.
Halimbawa sa Kuwait na marami nang Pinay DHs ang pinatay at ni-rape ng amo. Marami rin sa kanila ang hindi pinasusuweldo. Marami ring OFWs ang nagiging biktima ng illegal recruiter at drug syndicate. Isang halimbawa si Mary Jane Veloso na nahuli sa Indonesia makaraang mahulihan ng cocaine sa baggage. Bitay ang hatol sa kanya subalit naibaba dahil sa pakiusap ng Presidente ng Pilipinas. Nakauwi na si Veloso kahapon at nasa Correctional Institution for Women.
Maraming dinaranas ang OFWs habang nasa bansang pinagtatarabahuhan. Napagbibintangan sa kasalanang hindi naman ginawa. Mayroong nakapatay dahil sa pagtatanggol sa sarili. Ang masakit, hindi nakakakuha ng hustisya. May pinupugutan ng ulo at walang kaalam-alam ang gobyerno ng Pilipinas sa sinapit ng kawawang OFW.
Noong Disyembre 17, pinasinayaan ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Migrant Workers’ (DMW) Bagong Pilipinas One-Stop OFW AKSYON Center, sa Makati. Ito raw ang tutulong sa pangangailangan ng OFWs. Mabilis at tiyak na serbisyo.
Sana nga, magkatotoo ito. Subalit wala nang huhusay pa kung matatapos na ang exodus ng OFWs. Hindi na mag-e-export ng OFWs.