Kung mabibigyan ng executive clemency ni Presidente Bongbong Marcos ang OFW na si Mary Jane Veloso, naniniwala ako na ito’y magiging malaking plus point sa Punong Ehekutibo. Higit 10 taong nabilanggo sa Indonesia si Mary Jane at kung hindi sa ginawang pamamagitan ng mga nakalipas na administration, malamang binitay na si Veloso sa salang pagpapasok ng illegal na droga sa naturang bansa.
Mabuti at nasakote ang mga recruiters niya, nademanda at nasentensiyahan kaya binabaan sa pagkabilanggo at sa pagpasok ng bagong halal na Presidente ng Indonesia, nagpasya itong ilipat na sa kustodiya ng Pilipinas si Veloso. Pero nang makabalik kahapon sa Pilipinas, idiniretso si Veloso sa Women’s Correctional at sasailalim pa sa limang araw na kuwarentina bago madalaw ng kanyang mga magulang, kapatid at anak.
Hindi alam ni Veloso kung anong epektos ang bitbit niya. Para sa kagaya niyang ang hangad ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya niya, ito ay handa niyang gawin. Hindi lang si Veloso ang nasadlak sa ganyang kapalaran. Nagkataon lang na ito ay naging internationally prominent na balita.
Sana, magsilbing aral ito sa mga kababayan natin. Maganda man ang ambisyon, kung ang kapalit ay pagkakakulong ng matagal na panahon, hindi ito sulit. Marami pa ring recruiters na manloloko at nawa’y maging matalas ang ating pang-amoy.
Gaya nang nauna kong sinabi, hindi naman magiging mabigat para sa Presidente natin na bigyan siya ng clemency upang makapiling siya ng mga kaanak niyang malaon siyang kinasabikan. Naniniwala rin ako na mauunawaan ng pamahalaan ng Indonesia kung gawin man ito ng Presidente.
Si Veloso ay biktima ng sirkumstansiya. Nangarap ng maganda para sa pamilya, nasadlak sa masamang kapalaran.