Chinese spy na inaresto sa Makati City, kinasuhan!

Kinasuhan na ng Criminal Investigation and Detection Group ang Chinese spy na nahuli sa Makati City nitong May 29 at nakumpiskahan ng samu’t saring advance eavesdropping devices.

Sinampahan ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 si Yuhang Liu sa Quezon City prosecutor’s office nitong December 16. Ayon kay CIDG director Brig. Gen. Nicolas Torre III, si Yuhang ay nakaharap sa kasong Sec. 4 (a) o illegal interception at Sec. 4 (a) misuse of devices ng naturang batas.

Sinabi ni Torre, na ang isinampa nilang kaso ay supor­tado ng sworn affidavits ng complainant at testigo kung saan detalyado ang ebidensiya at mga pangyayari. “These affi­davits, along with the accompanying documentary evi­dence, were submitted to the Office of the prosecutor in Quezon City, presenting the circumstances that warrant the filing of the charges,” ani Torre. Dipugaaa! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Si Yuhang, na halos limang taon na sa Pinas, ay ina­­resto ng CIDG National Capital Region sa Makati City dahil­ sa pananakot sa kanyang Pinoy driver. Nakumpiska sa kanyang posisyon ang isang baril at mga makabagong kaga­mitan sa communication hacking devices.

Ayon sa intel community, si Yuhang ay isang spy ng China. Sa follow-up operations, nakakumpiska pa ang CIDG at AFP ng iba’t ibang uri ng hacking devices sa kanyang inu­upahang bahay sa Parañaque City, kasama na rito ang isang drone.

Idinagdag pa ng mga kosa ko sa intel community na ang gamit ni Yuhang ay wala pa sa Pinas, kung saan mari­rinig nito ang mga nag-uusap sa loob ng kampo, at makukuha pa ang text messages ng target nilang heneral ng PNP o AFP.

Kinumpirma naman ng driver na iniikot nila ang mga kampo sa Metro Manila, tulad ng Camp Crame at Camp Agui­naldo, at maging ang sa kalapit pang lugar. Araguyyy! Hehehe! Ni hindi nga alam ng intel agents ng Pinas kung paano gamitin ang mga gadgets na nakumpiska kay Yuhang, na direktang nagre-report sa handler niya sa China. Mismooo!

Sa pamamagitan ng Chinese interpreter, deny to death si Yuhang na spy siya ng China. Kasalukuyan siyang nakakulong sa Bureau of Immigration custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

“This operation reflects the CIDG’s dedication to addressing cybercrimes and ensuring that offenders are held accountable,” ani Torre. “With the increasing prevalence of cyber threats, we remain committed to safeguarding the public through stratedic and decisive actions, dahil ang gusto ng pulis ay ligtas ka,” ayon pa kay Torre. Sanamagan! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Samantala, napag-usapan na rin lang ang mga Chinese, mukhang magpu-pull out ang kanilang media dito sa Pinas dahil magiging mahigpit na ang BI sa kanila. Ayon sa kosa ko sa FOCAP, hinahanapan na ng working visa ng BI ang Chinese media, na karamihan sa kanilang ay armado lamang ng tourist visa. Araguyyyyy!

May posibilidad kasi na kapag wala silang working visa, nanganganib na samahan nila si Yuhang sa BI detention cell sa Bicutan, bago sila ipa-deport sa China. Abangan!

Show comments