Dalawang impeachment complaint laban kay Sara

Dalawang grupo na ang nag-file ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ito ay sa kabila ng pakiusap ni President Ferdinand Marcos Jr., na sayang lang ang panahon kung pag-uukulan ito ng pansin. Hindi naman daw ito mahalaga.

Umayon naman ang Iglesia ni Cristo sa sinabi ni PBBM. Dapat ay magkaisa na lamang tayong lahat upang mapanatili ang katahimikan ng sambayanan. Maraming problemang dapat kaharapin kagaya ng mga mahal na bilihin at pati na rin ang namamayaning tensiyon sa West Philippine Sea.

Noong Miyerkules, hinarang ng mga barko ng China Coast Guard ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at binomba  ng tubig. Hindi pa nasiyahan ang CCG, binangga ang tagiliran ng barko ng BFAR. Nawasak ang railings.

Ilan lamang ito sa mga problema ng bansa kaya siguro umaapela si PBBM na huwag nang sampahan ng impeachment complaint si VP Sara. At sa palagay ko e may katwiran naman si PBBM kaya ayaw niyang pasampahan ng impeachment si VP Sara.

Sa isang banda, nais naman ng mga grupong naghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara na malaman ang tunay na pinagkagastusan ng intelligence fund at pati ang pondo ng Department of Education (DepEd) na dati niyang pinamumunuan.

Ilan din sa dahilan ng paghahain ng impeachment ay ang pagbabanta ni VP Sara sa buhay ni PBBM, FL Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez. Ang pagbabanta ay ginawa ni VP Sara noong umaga ng Nobyembre 23 sa isang press con. Sabi ni VP Sara, kapag napatay daw siya, patayin din si PBBM. May kinausap na raw siyang gagawa niyon. At ang dugtong pa ni VP Sara, no joke! No joke!

Ang nakapagtataka lang makaraang magbanta si VP Sara ay sumagot si PBBM at sinabing hindi mapalalampas ang pagbabanta at papalagan niya. Kung papalagan, bakit lumambot ang kanyang posisyon at umapelang huwag nang sampahan ng impeachment complaint si VP. Mabait si PBBM? Abangan.

Show comments