EDITORYAL - Hanggang kailan titiisin ang ginagawa ng China?

Mula nang pumasok ang taon 2024, maraming masasamang ginawa ang China sa Pilipinas ka­ugnay sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS). At lagi nang agrabyado ang Pilipinas sa halos buwan-buwan na panggigipit ng China. Hanggang kailan titiisin ang pambu-bully ng China?

Noong Pebrero, hinarang ng China Coast Guard ang BRP Datu Sunday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nagsasagawa ng pagpapatrulya sa Scarborough Shoal. Tatlong beses silang hinarang at nagsagawa nang mapanganib na mani­obra ang CCG at muntik nang madisgrasya ang kani­lang sinasakyan.

Noong Marso, hinarang at ginitgit ng China Coast Guard ang BRP Sindangan ng Philippine Coast. Guard sa Second Thomas Shoal. Magsasagawa ng resupply mission ang PCG at ineskortan ang bar­kong maghahatid nito sa Ayungin Shoal. Habang hina-­harass ang BRP Sindangan, hinabol at binomba ng tubig ang maliit na barkong magdadala ng supply sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Noong Abril, walong beses binomba ng tubig ng China Coast Guard ang BRP Datu Bankaw. Bukod sa pagbomba­, apat na beses na binangga na ikinasira ng railings nito. Bukod sa pagkasira ng railings, nasira rin ang mga equipment ng barko. Ang BRP Datu Bankaw ay pag-aari ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Noong Hunyo, naputulan ng hinlalaki ang isang sun­dalong Pinoy makaraang banggain ng China Coast Guard ang sinasakyang rubber boat habang nagha­hatid ng supply sa BRP Sierra Madre. Ang sundalong naputulan ng daliri ay si Seaman First Class Jeffrey Fa­cundo. Si Facundo at 80 iba pang sundalo ay nakipag­buno sa mga miyembro ng China Coast Guard na gu­mit­git sa kanila habang nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal.

Noong Agosto 8, dalawang Chinese aircraft ang pumasok sa himpapawid ng bansa sa tapat ng Bajo de Masinloc at nagpakawala ng flares sa direksiyong tinutungo ng Philippine Air Force (PAF) aircraft. Nagsa­sagawa ng pagpapatrol sa lugar ang PAF nang biglang lumitaw ang Chinese planes at nagpakawala ng flares.

Noong Setyembre, binomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) ang dalawang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources habang nagsasa­gawa ng routine resupply mission sa Bajo de Masinloc.

Ang pinakahuling pangha-harass ay nangyari noong Miyerkules nang kuyugin ng limang China Coast Guard vessels ang barko ng Philippine Coast Guard at BFAR sa Bajo de Masinloc. Binangga at binomba ng tubig ang dalawang barko.

Hanggang kailan titiisin ang ginagawang ito? Ma­s­yado nang agrabyado ang bansa sa sunud-sunod na pagbomba at pagbangga ng CCG.

Show comments