Sa patuloy na hindi pagsipot ni VP Sara sa investigation ng Mababang Kapulungan, lalong lumalalim ang misteryo tungkol dito. Sa pagtatalaga niya nang kung sinu-sino para katawanin siya, lalo namang nagmumukhang komedya ang pagdinig ng House Blue Ribbon Committee. And of course, ang lumilitaw na katawa-tawa ay si VP Sara. Sa mga memes sa social media, si VP Sara ang main character sa “Mary Grace Piattos” jokes.
Kaya hinihimok ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez si VP Sara na personal na dumalo sa pagdinig ng blue ribbon at personal na ipaliwanag ang disbursement ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd na dati nitong hinawakan.
Bakit komedya? Yung ipinrisintang dokumento na umano’y recepient ng bahagi ng pondo ay may pangalan na Mary Grace Piattos na naging tampulan ng mga jokes sa social media. Para kasing walang ganyang tao at ito’y pinalutang lang para magka-justification ang paggamit ng pondo. Ang Mary Grace ay kilalang coffee and pastries shop at ang Piattos ay isang brand ng sitsirya.
Nang usisain si VP Sara sa pangalang ito, no comment ang tugon niya. ‘Di kaya siya sadyang pinagmumukhang katawa-tawa ng mga subordinates niya na itinatalaga niyang dumalo sa hearing? Baka banas na rin ang mga sarili niyang tauhan.
Sabi nga ni Romualdez, lalo siyang dapat sumipot at manumpa at mag-eksplika dahil siya ang may alam kung papaano ginamit ang sarili niyang pondo.
Minamaliit kasi ni VP Sara ang House hearing kaya nakikipagmatigasan. Pero sa ginagawa niya lalo lamang nawawalan ng kumpiyansa sa kanya ang marami.
Si VP Sara ay isang beses lamang dumalo sa pagdinig, tumangging manumpa at magsabi ng katotohanan. Bakit ayaw niya sa sworn statement? Dahil ba kasinungalingan lang ang sasabihin niya?