EDITORYAL — Ibawal paninirahan sa gilid ng bundok

MARAMI nang namatay dahil sa pagguho ng bundok. Tinatabunan ang mga bahay at nalilibing nang buhay ang mga naninirahan. Hindi na nila naga­wang makalabas ng kani-kanilang mga bahay dahil mas mabilis ang pagragasa ng lupa na may kasamang bato at putik. Sa isang iglap, nilamon ang mga bahay at hindi na nagising ang pamilyang nasa loob. Sa kabila na marami nang buhay ang nabuwis sa pagguho ng mga bundok o burol, patuloy pa ring pinapayagan ang paninirahan sa paanan nito. May magagawa ba rito ang pamahalaan o ang mga ahensiyang nakakasakop upang maiwasan ang pagkamatay? Bawalan ang pagtira sa paanan ng bundok.

Nang manalasa ang Bagyong Pepito noong Linggo, pito ang namatay sa Bgy. Labang, Ambaguio, Nueva Vizcaya. Lahat sila biktima ng landslides sapagkat ang kanilang mga bahay ay nakatayo sa gilid o sa mismong paanan ng bundok. Magkakamag-anak ang mga biktima. Ang ilan sa kanila ay nakisilong lamang nang tumama ang bagyo. Kabilang sa mga namatay ay da­lawang bata.

Nakapagtataka naman kung bakit hindi nabigyan ng babala ng local government unit (LGU) ng Nueva Vizcaya ang mga residente sa gilid ng bundok gayung inianunsiyo na super typhoon ang hahagupit sa lugar? May kapabayaan ba rito?

Noong Abril 11, 2022, nagkaroon din ng landslides sa isang village sa Baybay, Leyte na ikinamatay nang ma­raming residente. Nanalasa ang Bagyong Agaton na naging dahilan sa paglambot ng lupa at nagkaroon ng landslides. Halos ganito rin ang nangyari sa Mt. Mi­nandar sa Maguindanao del Norte makaraan bayu­hin ng Bagyong Paeng noong Oktubre 2022 na ikinamatay ng 60 katao. Rumagasa ang putik at bato sa bundok at inilibing nang buhay ang mga taong nasa kani-kanilang mga bahay. Noong Enero 2024, 16 ang namatay sa landslides sa Mt. Diwata sa Monkayo, Davao de Oro.

Ang pinakagrabeng landslides na nangyari sa bansa ay nang gumuho ang bundok sa Bgy. Guinsaugon, St. Bernard, Southern Leyte noong Pebrero 2006. Mahigit 1,000 katao ang namatay karamihan ay mga bata na nasa eskuwelahan. Nabiyak ang bundok dahil sa walang tigil na pag-ulan. Naipon ang tubig sa bundok. Ang pagkakalbo ng bundok ang dahilan kaya nagkaroon ng landslides.

Ibawal ang paninirahan sa mga gilid o paanan ng bundok upang hindi na maulit ang mga trahedya. Tiyak na mangyayari muli ang landslides dahil wala nang mga punongkahoy sa bundok o gubat.

Magkaroon naman ng kampanya ang DENR at iba pang ahensiya na magtanim ng mga puno upang ma­isalba ang kagubatan at pati sangkatauhan.

Show comments