Maraming beses nang iniimbitahan si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay sa maling paggamit ng pondo ng kanyang tanggapan at sa kontrobersiyal na confidential funds na ginastos sa loob ng 11 araw. Lagi nang iniisnab hindi lamang ng Vice President ang pagdinig kundi pati na rin ng apat pang executives ng OVP. Winawalambahala ang komite na nagsasagawa ng pag-iimbestiga bagay na ikinagalit ng mga mambabatas at binantaang ipaaaresto ang apat na executives.
Dahil sa ginagawang pag-isnab ni Sara sa komite, sinamantala nila ito noong Lunes habang present ang Vice President sa imbestigasyon ng quad committee ukol sa war on drugs campaign at umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Personal na iniabot ng committee staff kay Sara ang imbitasyon para sa kanyang pagdalo sa susunod na pagdinig. Tinanggap naman ni Sara ang imbitasyon at pinirmahan ang liham mula kay Good Government Panel Chairman Joel Chua. Nakasaad sa sulat na imbitado ang Vice President sa pagdinig na itinakda sa Nobyembre 20 (Miyerkules). Ayon kay Chua na kailangan ang presensiya ni Sara upang mabigyang-linaw ang mga tanong sa paggamit ng confidential funds.
Ang apat na OVP executives na na-cite for contempt at ipinaaaresto ay sina Gina Acosta, OVP Disbursing Officer; Lemuel Ortonio, OVP Assistant Chief of Staff and Bids and Awards Chairperson; Sunshine Fajarda, dating DepEd Assistant Secretary at mister na si Edward Fajarda, dating DepEd Disbursing Officer.
Dumalo naman sa pagdinig ang apat pang OVP executives na sina: Rosalynne L. Sanchez, OVP administrative and financial services director; Julieta Villadelrey, OVP chief accountant; Kevin Gerome Tenido, OVP chief administrative officer; at Edelyn Rabago, OVP budget division officer-in-charge. Hindi pa bumabalik sa bansa ang isa pang OVP official na inimbitahan din ng Kamara. Umalis noong Nobyembre 4 patungong United States ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte na si Undersecretary Zuleika Lopez.
Nararapat dumalo si Sara sa pagdinig at ipagtanggol ang sarili sa mga akusasyon. Hangga’t patuloy siyang umiiwas, lalo lamang mabubuo ang hinala na mayroon siyang itinatago. Kaya dapat niyang panindigan ang ginawang pagtanggap at paglagda sa imbitasyon ng komite na nag-iimbestiga.
Hikayatin din niya ang apat pang OVP officials na makipag-cooperate sa komite. Hangga’t patuloy ang pagwawalambahala, ang isyu sa maling paggamit ng pondo at ang kontrobersiya sa confidential funds ay mananatiling misteryo.