Tensiyon sa quad comm hearing

Nabalot ng tensiyon ang pagdinig ng House quad committee nang dumalo si dating President Rodrigo Duterte noong Lunes. Buong akala ng mga kongresista, hindi darating si Digong kaya ipagpapaliban sana pero biglang nagbago ang desisyon ng ex-pres. Itinuloy ang pagdinig na inabot hanggang 12:30 ng hatinggabi.

Bagama’t may mga salitang bulgar na pinakawalan si dating President Digong at nag-amba na manghahampas ng mikropono, naging maayos naman sa kabuuan ang pagdinig.

Nagkatabi pa sa upuan si Digong at si dating Senator Leila de Lima. Nagkasagutan sila at habang nakatalikod si De Lima ay inambahan ni Digong ng suntok. Pero naging maagap naman ang mga taga-quad committee at napayapa ang nanggigigil na si Digong.

Subalit nang sumalang si dating senador Antonio Trillanes, nagka-tension na naman. Makaraang magsalita si Trillanes ay inambahan siyang papaluin ni Digong ng mikropono. Nag-init si Digong nang isiwalat ni Trillanes ang money trail ng Duterte family na galing sa illegal na droga. Inaakusahan ni Trillanes ang dating Presidente, anak nitong si Polong at ang asawa ni VP Sara. Sinabi pa ni Digong na sasampalin niya sa publiko si Trillanes. Sabi ni Trillanes, payag siyang sampalin ni Digong pero pumirna muna ito sa waiver.

Sa kabila ng tensiyon at ilang beses na pagkaantala ng hearing, pinagpatuloy ang pagtatanong kaugnay sa extra-judicial killings (EJKs) sa Duterte regime. Nabatid na aabot sa 31,000 ang namatay sa drug campaign ni Digong. Hindi naman itinanggi ni Digong na may mga napatay sa kampanya kontra droga pero sabi niya, mga kriminal, rapist, durugista at drug lords ang mga iyon. May mga pinatay din daw siyang pulis lalo ang mga abusado. Pinatatawag din daw niya ang mga pulis na nambubugbog ng asawa at binubugbog niya. Kung sa mukha sinuntok ang misis, sinusuntok din niya sa mukha ang pulis.

Ikinatwiran ni Digong na ayaw niyang may mapapatay na mga kabataan at  mga inosenteng mamamayan. Inako naman niya ang lahat nang responsibilidad sa mga nabiktima sa operasyon ng kapulisan. Itinanggi naman niya na may reward money sa bawat mapapatay na drug suspects.

Ang reward system ay unang binulgar ni dating police colonel at PCSO general manager Royina Garma. Nasa P20,000 hanggang P1-milyon ang reward sa mga pulis. Sabi ni Garma, ipinatawag siya ni Duterte sa bahay nito sa Davao at nilahad ang plano na style “Davao model”.  Nagpahanap pa umano si Duterte ng pulis na magsasagawa ng plano at nirekomenda umano niya si Col. Leonardo. Inuutusan din daw ni Digong ang mga pulis na udyukang lumaban ang mga drug suspect para may dahilan na barilin ito.

Payag na rin naman si Digong na mag-imbestiva ang Intenational Criminal Court (ICC) sa bansa. Sabi pa ni Digong sa ICC, bilisan daw at baka mamatay na siya. Abangan!

Show comments