ISANG buwan ng police chief sa Nueva Vizcaya si Col. Jectopher D. Haloc. At bilang hepe, nagpakita siya ng tikas nang italagang operator ng mga pasugalan si Rey Guilao.
Si Guilao ang nasa likod ng color games, pula’t puti, beto-beto, drop ball at iba pa sa bayan ng Bambang. Nasa likod ni Guilao, ang dalawang mataas na lokal na opisyal ng Bambang.
Iyan ang dahilan kaya walang magawa kundi patangu-tango na lang si Haloc.
Si retired Colonel Marlon P. Gauiran naman ang itinalaga ni Haloc para mangasiwa sa STL-Nueva Vizcaya.
Tinitingnan din ngayon kung ano ang diskarte ni Haloc kay Raul Longgasa sa bookies jueteng operation nito na nagtatago bilang Small Town Lottery (STL). Itatalaga rin kaya ito ni Haloc na bagong bookies operator sa Nueva Vizcaya? Baka tumango na lamang si Haloc para manatili ang Longgasa bookies operation.
Tatango kaya si Cagayan Valley police regional director Brig. Gen. Antonio Marallag Jr. bilang pag-apruba sa performance ni Haloc? Malamang ay hindi.
Magrereklamo kasi si Haloc. Mamaliitin siya gayung matikas at mabilis siyang umaksiyon kumpara sa iba pang police director ng Cagayan, Isabela at Quirino na naglipana rin ang sugalan.
* * *
Para sa reaksiyon, i-send sa: art.dumlao@gmail.com