Pinag-isang Araw ng Santo at Kaluluwa

Araw ng mga Santo ngayon. Bukas ang Araw ng mga Kalu­luwa. Para sa Pilipino iisang piyesta opisyal ang dalawang araw. Tinuturing nating santo ang ating mga yumao. Bumi­bisita tayo sa mga sementeryo: Sa angkan ng isang magulang sa Nov. 1 at sa isa pang magulang sa Nov. 2.

Hindi bale na malimit tayong mabulyawan at mapalo ng nanay o tatay nu’ng bata pa mahal natin sila. Ku’ng nasa nitso na ang labi nila, ang kaluluwa naman ay nasa langit.

Kakaiba ang estatwa sa ibabaw ng isang nitso sa semen­teryo sa Tugatog, Malabon. Baligtad ang eksena. Nakabulagta si San Miguel habang malugod siyang sinusuwag ni Satanas.

Kuwento ng matatanda, malupit na Satanista ang nakalibing doon. Ku’ng totoo ito, bakit kaya hindi siya napatawad ng mga kaanak. Ipinagtayo pa ng kakila-kilabot na rebulto.

PNA File Photo

Nasasariwa ang malulungkot-matatamis na alaala kapag bumibisita sa minamahal sa sementeryo. Kinakausap sila nang pabulong habang iniiskoba ang lapida at ginugupit ang damo.

Hindi tayo nakokontento sa puting marmol. Pinapalitan ito ng mamahaling itim na bersyon, na ginto ang mga titik. Ku’ng may pera, nagpapatayo pa ng mausoleo, aircondi­tioned at may mural ng kung sinong sikat na pintor.

Masaya sa sementeryo tuwing Nov. 1 at Nov. 2. Nagtitipun-tipon ang mga angkan. Nagpapalitan ng balita ang magpipinsan. Ang mga bata ay bumubuo ng bolang wax mula sa tulo ng kandila.

Hindi bale na bawal magdala ng alak at music player. Hindi bale na maputik ang mga pasilyo. Sapat na ang kwentuhan tungkol sa multo, at tuksuhan kung sino ang susunod na ililibing. Huwag lang kalimutan ang pagdasal para sa mapayapang paghimlay.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments