Isalba ang Sierra Madre Isalba ang Sierra Madre

Ang Sierra Madre mountain range ang nagbibigay ng proteksiyon sa 10 probinsiya mula Cagayan hanggang Quezon sa mga bagyong nagmumula sa Pacific Ocean.

Tahanan ang Sierra Madre ng halos 40 percent ng forest cover ng Pilipinas at ng mayamang biodiversity na 3,500 plant species, 58 percent dito ay katutubo.  Nagsisilbi rin itong carbon sink dahil sumisipsip sa carbon dioxide sa kalawakan na nakakatulong upang matimpla ang temperatura ng panahon.

Ang kahalagahan ng Sierra Madre ay napatunayan nang manalasa ang Bagyong Kristine sa Southern at Northern Luzon. Dahil sa ginawang proteksiyon ng Sierra Madre, marami ang nagsumamo, kabilang ang mga opisyal ng pamahalaan, na alagaan at isalba ang mountain range.

Sinisira ang Sierra Madre ng mga proyektong Kaliwa Dam sa Rizal-Quezon boundary, Ahunan Dam sa Laguna, at Pacific Coast Cities Project (PCCP).

Apektado ang 80,000 ektarya ng Sierra Madre sa Dingalan, Aurora at General Nakar, Quezon sa planong industrial at economic zones, educational centers at tourism areas. Banta rin ito sa kabuhayan ng mga katutubong Dumagat sa lugar dahil aagawan sila ng lupa.

Papaliit na ang flora at fauna ng Siera Madre dahil sa pagtatayo ng Kaliwa Dam kung saan 67 endangered species ang nasa lugar. Ang 1400-megawatt Ahunan Hydropower Project ay magpapalala sa pagbaha tuwing tag-bagyo.

Magtulung-tulong para maisalba ang Sierra Madre. Huwag hayaang masira at mawasak ang nagpuprotekta sa Luzon sa tuwing may mananalasang bagyo.

* * *

Para sa reaksiyon, i-send sa: art.dumlao@gmail.com

Show comments