ANG “Pizza No. 40” ang pinakamabentang flavor ng pizza sa isang pizza restaurant sa lungsod ng Dusseldorf. Hanggang sa natuklasan ng mga pulis na may lihim na side dish ito: isang pakete ng cocaine!
Ayon kay Chief Inspector Michael Graf von Moltke, under surveillance na ang hindi pinangalanang pizzeria, simula pa noong March matapos may matagpuang droga sa isang routine food inspection sa kusina.
Simula noon, tiniktikan na ng mga narcotics investigators ang pizzeria at napansin nila na ang Pizza No. 40 ay pinakamabenta sa mga customers. “Ito ang pinakamabenta nilang pizza,” sabi ni Von Moltke. “Napag-alaman na may kasama itong isang pakete ng cocaine na nakatago sa ilalim ng bawat pizza. Ikinagulat namin ito dahil ang may-ari ay hindi pa nasasangkot sa kahit anong krimen.”
Sa naganap na raid sa pizzeria, nakakumpiska ang mga awtoridad ng 1.6 kg ng cocaine, 400g ng cannabis, at €268,000 cash. Ayon sa pulisya, nang dumating ang mga opisyal upang tanungin ang 36-anyos Croatian national na may-ari ng pizzeria, bigla nitong itinapon ang isang bag na puno ng droga sa bintana.
Bukod sa iligal na droga at cash, nakakumpiska rin nang mamahaling mga relo, isang handgun, isang palakol, at mga kutsilyo. Matapos arestuhin, agad din namang pinalaya ang may-ari ng pizzeria dahil wala siyang dating rekord ng krimen.
Dahil dito, muling binuksan ng may-ari ang pizzeria at ipinagpatuloy ang pagbebenta ng kanyang sikat na pizza, na nagbigay-daan sa mga imbestigador na matunton ang kanyang supplier ng droga.
Ang naturang supplier ay isang 22-years-old na Russian- born mixed martial arts fighter na matagal ng wanted ng mga pulis. Bukod dito, ilan din sa mga kasamahan nito ay nahuli na ng mga pulis.
Sa panayam sa mga awtoridad, ang pagkakatuklas sa modus operandi ng pizzeria na ito ay nagbigay daan upang matimbog ang malaking drug syndicate sa North Rhine-Westphalia, ang tinaguriang most populated area sa Germany.
Sa kasalukuyan, ang may-ari ng pizzeria ay nakakulong na at ang kanyang pizzeria ay sarado na ngayon.