Mukhang naghahanda na ang Pilipinas at mga kaalyadong bansa gaya ng United States sa isang kooperasyong pangdepensa. Ito’y kaugnay ng lumalalang karahasan ng China sa pag-angkin sa buong South China Sea.
Maraming bansang umaangkin sa karagatan at tanging China lang ang hindi nakikipagkaisa sa malayang paggamit sa territorial waters. Sa halip, gumagamit ito ng dahas sa mga dumarayo rito tulad ng ating mga mangingisda na dito umaasa ng ikabubuhay.
Show of force na ito. Ngunit masisindak kaya ang China na ipinakikita ang pagkamabangis na dragon nito? Ang military drill ay inaasahang lalahukan din ng iba pa nating kaalyado gaya ng Japan, Australia, Canada at France.
Bahagi ito ng tinatawag na Sama-Sama military drills. Inumpisahan na ito ng U.S. at Pilipinas noong Lunes sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, sa karagatang nakapaligid at sa loob ng kalupaan.
Sa panimula, ang mga Navy ng Pilipinas at U.S. ay nagsagawa sa West Philippine Sea ng anti-submarine at night patrol exercises. Timing na timing ito sa dumaraming barko ng China sa West Philippine Sea na may kasamang barkong pandigma.
Kung magkaisa man ang mga bansa laban sa China at kampihan tayo, walang masama roon dahil ang pinuprotektahang karagatan ay isang mahalagang ruta ng kalakalan. Kung kakamkamin ng buong-buo ng China ang karagatan, pandaigdig na krisis sa ekonomiya ang nagbabadya.