PANAHON na para sampahan ng kaso ang personalidad na idinadawit sa extrajudicial killings (EJKs) na nabulgar sa House quad Committee. Kung masampahan ng kaso lalabas na ang buong katotohanan at makakamit na ang hustisya ng may 6,000 na napatay sa pagpapatupad ng war on drugs ng dating Duterte administration.
Sa kasalukuyan, lumalakas ang ugong na papapasukin na ng pamahalaan ang International Criminal Court (ICC) sa bansa upang makapag-imbestiga kaugnay sa EJKs. Nagpapatuloy naman ang isinasagawang pag-iimbestiga ng quad committee.
Patuloy naman sa pagbagsak ang image ng Philippine National Police matapos ibulgar ni dating police colonel at PCSO chief Royina Garma na ang mga pulis ang may kagagawan ng krimen noong panahon ni Duterte. Ibinulgar ni Garma ang “Davao model” at reward system sa mga pulis na makakapatay ng drug suspect.
Nahalukay ng quad committee na mga pulis ang nasa likod ng pagpatay ng tatlong Chinese drug lords sa bilangguan at utos umano iyon ni Duterte. Malaki umano ang reward sa mga pulis na makakapatay ng drug suspect—nasa P20,000 hanggang P1-milyon. Malaki pala talaga kaya maraming napatay na drug suspect.
Kilos na Sec. Remulla sampahan na ng kaso itong mga ibinubulgar ng mga resource person sa House quad committee. Buksan na rin ang pinto at papasukin ang mga mi-yembro ng ICC para mag-imbestiga sa mga nangamatay sa war on drugs ni dating President Duterte.