1. Menstrual cramps – Ang solusyon sa menstrual cramps ay ang pagpapahinga. Itulog ang sakit. Umiwas muna sa mga stress, trabaho at meetings. Maligo ng maligamgam na tubig para ma-relax ang iyong puson. Patungan ng medyo mainit na bote ang iyong puson. Sabi ng iba, ang sex daw ay nakatutulong din sa menstrual cramps
2. Bukol sa suso – Lahat ng babae edad 20 pataas ay kailangang matuto kumapa ng kanilang suso. Gawin ito buwan-buwan bago at pagkatapos magkaregla. Humarap sa salamin at tingnan ang suso. May pagkakaiba ba ang kanan at kaliwang suso? Habang nakatayo, salatin ang suso mula sa utong. Gamitin ang dulo ng dalawang daliri at kapain ng paikut-ikot ang suso. Mag-umpisa sa nipple at hanggang sa papalabas.
Pagkatapos ay humiga naman sa kama at ulitin ang pagkapa ng suso. Bago matapos, kapain din ang kilikili para maghanap ng kulani (lymph nodes). Kung may bukol kayong nasasalat, magpatingin sa inyong surgeon o OB-gynecologist.
3. Ulcer – Huwag magpapagutom. Kumain ng madalas sa isang araw pero kaunti lang. Small, frequent meals. Mag-almusal, meryenda, tanghalian, meryenda at hapunan. Ang pag-inom ng tubig ng pakonti-konti sa buong araw ay makababawas sa asido ng sikmura. Magbaon din ng saging o tinapay para hindi sumakit ang tiyan. Umiwas sa pagkaing nakaka-ulcer tulad ng sili, orange, pineapple, calamansi, lemon, suka, mga sitsirya at gatas.
4. Nerbiyos – Maraming babae ang inaatake ng nerbiyos. Sila’y nakararamdam ng hirap sa paghinga, pamamanhid ng kamay, paa at labi. Minsan ay nahihilo sila, at lumalakas ang pintig ng puso. Kung kayo ay nakararanas nito, huwag matakot dahil nerbiyos lang iyan. Ang problema rito ay ang pagbaba ng carbon dioxide sa katawan dahil sa sobrang bilis ng paghinga. Ang solusyon diyan ay ang paggamit ng “brown bag technique.”
Kumuha ng isang maliit na bag na gawa sa papel. (Huwag ang plastic bag.) Itakip sa bibig at ilong at dito huminga ng dahan-dahan. Gawin ito ng 15-30 minutes. Ang gusto natin mangyari ay malanghap mo ulit ang hangin (carbon dioxide) na iyong inilalabas. Sa ganitong paraan, mawawala ang iyong nararamdaman.
* * *
Irregular menstruation
Ang normal menstruation ay mula 21 hanggang 35 araw. Ito ang panahon na kumakapal ang matris at nalalagas ito sa pagkakaroon ng regla. Kadalasan, tumatagal ng mula 2 hanggang 7 araw ang regla.
May mga babae na irregular ang menstruation. Minsan mahina ang regla, at minsan masyadong malakas at tumatagal ng lampas 7 araw. Minsan naman ay mahaba ang pagitan sa pagdating ng menses (lampas 35 araw).
Mga posibleng dahilan:
1. Pagbubuntis – Kung may problema sa pagbubuntis tulad ng ectopic pregnancy (sa labas ng matris nabuo ang fetus), magiging irregular ang regla.
2. May bukol sa matris – Posibleng may kondisyon sa matris tulad ng myoma, ovarian cyst, polyp at iba pang bukol. Magpasuri sa doktor.
3. Pag-inom ng gamot – Ang pag-inom ng aspirin at warfarin ay nakalalabnaw ng dugo. Dahil dito, posibleng lumakas ang pagdurugo. Ang pag-inom ng gamot sa depression at utak ay puwede din magpahinto ng regla.
4. Stress – Bukod sa stress, ang pag-trabaho sa gabi o night-shift workers ay posibleng magdulot ng irregular menses. Nagugulo ang tamang oras ng katawan.
5. Paninigarilyo – Ang sigarilyo ay posibleng magdulot ng irregular menses.
6. Sobra sa pag-ehersisyo – Kapag matindi ang ehersisyo, aakalain ng katawan na ikaw ay may “stress”. Dahil dito at pansamantalang titigil ang regla.
7. Kulang sa nutrisyon – Kung kulang ang sustansya ng iyong kinakain, magkukulang ka sa dugo at magiging maputla ang regla.
8. Menopause – Ang pangkaraniwang edad ng menopause ay mula 48 hanggang 55. Nagiging irregular ang regla, humihina at tuluyang titigil na.
9. Mga sakit sa thyroid tulad ng hyperthyroidism at hypothyroidism. Ang PCOS (polycystic ovary syndrome) ay nagdudulot ng hormonal imbalance at pagloloko ng regla. Kumunsulta sa doktor.
10.Magpasuri sa Obstetrician-Gynecologist (OB). Ang iyong OB ay magsasagawa ng eksaminasyon sa puwerta (pelvic examination). Magpapakuha rin ng CBC para malaman kung kulang sa dugo (anemia).
Ang Ultrasound ng Matris (Ultrasound of the Abdomen and Pelvis) ay makatutulong para malaman kung may bukol sa matris, obaryo at iba pang parte.
Depende sa makikitang sakit, magbibigay ang doktor ng tamang gamutan. Minsan ay nagbibigay ng “pills” ang doktor para maging regular ang regla.
* * *