ISANG babae sa China, na may kakaibang kondisyon na pagkakaroon ng dalawang bahay bata o matris ang nanganak ng kambal, isa mula sa bawat matris!
Ang ina, na kinilala lamang sa apelyidong Li, ay nagkaroon ng isang batang lalaki at isang batang babae sa pamamagitan ng caesarean section, ayon sa Xi’an People’s Hospital sa lalawigan ng Shaanxi, at tinawag itong “isa sa milyon” na pangyayari.
“Napakabihira para sa kambal na natural na mabuo sa bawat cavity ng matris,” ayon sa naturang ospital sa kanilang official Weibo account noong Setyembre 18.
Ayon sa ospital, ang bagong ina ay ipinanganak na may dalawang cervix at dalawang matris, isang kondisyon na tinatawag na uterine didelphys, isang kondisyon na nakikita lamang sa isa sa bawat dalawang libong kababaihan.
Ang panganganak ni Li ay nakakuha ng atensiyon ng mga Chinese netizens at naging trending topic ito na may mahigit 50 million views sa mga nakaraang araw, at marami sa mga ito ay nagbahagi ng mga pagkamangha.
“Iyan ay isang himala!” isinulat ng isang netizen, habang ang isa naman ay nagsabing, “Napakasuwerte niya!” May ilang nag-alala para sa ina, isang user ang nagsabing “tiyak na mahirap at mapanganib ito para sa kanya!”
Ang kuwento ni Li ay tila nagpakita ng masayang resulta matapos ang pagharap sa ganitong kalagayan. Napag-alaman kasi na siya ay nakunan sa isang previous pregnancy.
Ngunit noong Enero, muling nabuntis si Li at nalaman sa isang maagang ultrasound na hindi lamang isang baby ang kanyang pinagbubuntis kundi mga kambal—isa sa bawat matris.
Matapos ang “mahigpit at masusing” pangangalagang medikal, siya ay “matagumpay” na nanganak ng isang batang lalaki na may timbang na 7 pounds, 19 ounces, at isang batang babae na may timbang na 5 pounds, 5 ounces.