ISANG 42-anyos na lalaki sa Wuhan, China na madalas gamitan ng massage gun ang kanyang mukha at mga mata ang kinailangan magpa-opera dahil nagkaroon ito ng katarata at lens dislocation!
Nagsimula ang lahat nang bumili ng battery-powered massage gun ang lalaki na kinilala lamang sa tawag na “Mr. Luo” matapos itong irekomenda ng kanyang fitness coach. Ayon kasi sa fitness coach nito, makakatulong ito sa kanyang mga muscles pagkatapos ng bawat workout.
Nakita ni Mr. Luo na effective nga ito sa kanyang katawan lalo na’t every two days siyang nagwo-workout sa gym. Kapag wala sa gym, sobrang busy naman ito sa opisina kaya tuwing uuwi siya sa kanyang bahay ay pagod at dry ang kanyang mga mata.
Dahil dito, naisipan niya na baka magandang gamitin ang massage gun sa kanyang pagod na mga mata. Ayon kay Mr. Luo, sinet niya ang massage gun sa pinakamababang setting at itinapat niya ito sa paligid ng kanyang mga mata habang siya ay nakapikit sa loob ng 5 minutes.
Sa una ay nasarapan siya sa masahe na binibigay nito pero matapos ang isang linggo, nakaramdam siya ng panlalabo sa kanyang mga mata. Agad siyang nagpatingin sa ophthalmologist at na-diagnose siya na mayroon siyang katarata at lens dislocation.
Nang malaman ng kanyang doktor ang tungkol sa paggamit niya ng massage gun, nakumpirma ng mga ito na physical trauma ang nangyari sa kanyang mga mata. Ayon pa sa mga ito, ang paggamit ng massage gun ay para na rin niyang ipinasuntok ang kanyang mga mata.
Pinaliwanag pa sa kanya na ang mata ay sobrang sensitive sa mga physical trauma na maaaring maging sanhi ng lens dislocation, turbidity, at retinal detachment.
Upang magamot ang mga karamdaman ni Mr. Luo, kinailangan itong sumailalim sa laser-assisted surgery. Sa kasalukuyan ay naka-recover na si Mr. Luo sa kanyang operasyon at inoobserbahan na ang kanyang paningin.