ANG pulmonya ay matinding impeksiyon sa baga dulot ng bacteria, virus o fungus. Kadalasang nag-uumpisa ito bilang isang trangkaso o ubo. Ang sintomas ng pulmonya ay lagnat, ubo, hirap sa paghinga at panghihina ng katawan.
Kailangang magpa-chest x-ray ang pasyente para masabi kung may pulmonya o wala. Ipinasusuri rin ang plema (sputum test) para matukoy ang mikrobyo ng pulmonya.
May dalawang klase ng pulmonya. Ang community acquired pneumonia at hospital acquired pneumonia. Mas seryoso ang mikrobyo na galing sa ospital.
Ang komplikasyon ng pulmonya ay mas nakikita sa mga may edad, naninigarilyo at may dating sakit sa baga. Posibleng lumipat ang mikrobyo mula sa baga at kumalat ito sa dugo. Sepsis ang tawag dito. Puwede ring magkaroon ng nana (abscess) o tubig sa baga.
Ginagamot ang pulmonya sa pamamagitan ng mga sumusunod:
1. Pag-inom ng antibiotics. Kapag hindi malala ang pulmonya, puwede pa ito makuha sa pag-inom ng antibiotics, tulad ng Co-Amoxiclav 375 mg tablets. Ngunit kung may edad na ang pasyente o matindi ang impeksiyon na tumama, kailangang ipasok sa ospital ang pasyente para mabigyan ng antibiotic sa suwero.
2. Pag-inom ng gamot sa ubo at lagnat, tulad ng carbocisteine capsule at paracetamol tablets.
3. Magpahinga at huwag munang pumasok sa trabaho.
4. Uminom ng 8-10 basong tubig para lumabnaw ang plema at bumaba ang lagnat.
5. Magpatingin at sundin ang lahat ng payo ng doktor.
Makakaiwas sa pulmonya kung magpabakuna laban dito. Ang pneumonia vaccine ay binibigay bawat limang taon. Ang mga taong edad 60 pataas ang kadalasang binibigyan nito.