OKEI lang ba sa Korte Suprema ang maruming halalan? Okei lang ba sa mga mahistrado ang political dynasties?
Tanong ‘yan ng mga nag-aalalang mamamayan. Matagal na kasing nakabinbin sa Korte Suprema ang tatlong petisyon. Walang aksyon ang mga mahistrado:
l Nob. 3, 2022 – Nagpetisyon ang “TNT Trio” na obligahin ang Comelec at telcos na panatilihin ang transmission logs ng Halalan 2022. Anim na buwan mula eleksyon ay maari nang burahin ng telcos ang files. Hinihingi ang files nina dating DICT secretary Eliseo Rio, ex-Comelec commissioner Gus Lagman, at ex-Financial Executives Institute President Franklin Ysaac. Katibayan ito na imposible ang pagdagsa ng mahigit 20-milyong boto, 38 percent ng resulta, sa loob lamang ng dalawang oras mula pagsara ng presinto.
l Abr. 30, 2024 – Nagpetisyon ang TNT Trio na ipatupad sa Comelec ang pangako.
Inutos kasi ng Comelec en banc na bilangin ang boto sa bawat rehiyon ng anumang presitong piliin nina Rio, Lagman at Isaac. Minungkahi ng tatlo na buksan ang 30 ballot boxes lang sa Sto. Tomas, Batangas. Tumalikod ang Comelec sa salita.
l Mar. 18, 2024 – Nagpetisyon ang apat na propesor kung obligado ang Kongreso ibawal ang dynasties ayon sa Konstitusyon. Ku’ng obligado nga, utusan ng Korte ang Kongreso na isabatas ito.
Petitioners Rico Domingo, Wilfredo Trinidad, Jorge Cabildo, Ceasar Oracion.
Kambal na suliranin ang maruming halalan at dynasties. Sila-sila na lang ang nauupo dahil sa lutong makaw na botohan.
Hindi magkukusa ang Ehekutibo at Lehislatibo na buwagin ang dynasties at linisin ang halalan. Anong mangyayari ku’ng hindi kumilos ang ikatlong sangay ng gobyerno – Hudikatura?