Isang bald eagle ang inakalang injured dahil hindi ito makalipad ang natuklasan na sobra lang pala itong busog!
Noong Agosto 21, namataan ang isang hindi makalipad na bald eagle sa Wilson’s Creek National Battlefield. Ilan sa mga nakakita rito ang nag-alala dahil palakad-lakad ito sa damuhan at paika-ikang lumakad.
Agad itong nireport sa Missouri Department of Conservation para ma-rescue. Ayon sa mga awtoridad na sumagip dito, inakala nila na kaya ito hindi makalipad ay dahil may injury sa pakpak. Minabuti nila na alagaan at gamutin muna ito sa Dickerson Park Zoo. Doon ay isinailalim ito sa ilang check-up at X-ray exam at nakita na malusog ang agila at wala itong kahit anong injury sa pakpak.
Napag-alaman na masyado pa nga itong malusog kaya hindi nito kayang lumipad dahil sa bigat ng kanyang katawan. Sa Facebook post ng Wilson’s Creek National Battlefield kung saan nakadetalye ang buong insidente, mababasa na masyadong bumigat ang katawan ng agila matapos itong kumain ng isang buong racoon.
Sa litrato na kalakip ng naturang FB post, makikita sa X-ray ng agila na buo at hindi pa digested ang kamay ng racoon sa sikmura nito.
Ang Bald eagle ay isang uri ng agila na matatagpuan sa North America. Kilala ito bilang simbolo ng United States dahil ito ang kanilang pambansang ibon. Ang bald eagle ay may malakas na pangangatawan, may matulis na tuka, at matatalim na kuko na ginagamit nito sa paghuli ng kanilang makakain.
Kalimitang pagkain ng mga bald eagle ay mga isda at maliliit na mammals. Ang kanilang mga pugad ay isa sa pinakamalaking uri ng pugad na gawa ng ibon, at kadalasang matatagpuan sa mataas na puno o mga bangin malapit sa tubig.
Matapos ang ilang araw na pag-aalaga ng mga eksperto sa Dickerson Park Zoo, pinakawalan at pinalipad na muli ang bald eagle sa lugar kung saan ito unang natagpuan.