NABABAGABAG ang mamamayan sa Pugo, La Union dahil sa pagdagsa ng mga nagpaparehistro sa Commission on Election upang makaboto sa 2025 elections. Pero karamihan sa nagpaparehistro ay transferees.
Ayon sa citizen organization na Save Pugo Movement, mula Pebrero 12 hanggang Agosto 15, 2024, nakapagtala na sila ng 2,487 na nagparehistro at nasa 1,386 dito ang transferees.
Hindi naman labag sa batas ang pagpapalipat kung saan nais bumoto. Ngunit nararapat lamang na rebisahing mabuti ng Comelec-La Union ang nagpaparehistro. Ganito sana ang gawin ni Provincial Election Supervisor Atty. Alipio Castillo III.
Kahina-hinala kasi ang bilang ng transferees. Mula Pebrero 12-Marso 30, naitala ang 250 transferees sa 625 nagparehistro; Abril 1-Hunyo 30, 427 ang transferees sa 858 nagparehistro at mula Hulyo 1-Agosto 15, 709 ang transferees sa 1,004 na nagparehistro.
Ayon sa Save Pugo Movement, ang mga transferees ay nagpalipat sa 14 barangays ng Pugo, na isang fifth-class municipality na may 12,786 registered voters.
Ang nakapagtataka, ayon sa mga mamamayan ng Pugo, hindi kilala ng transferees ang pangalan ng barangay chairman sa kanilang nililipatan.
Maraming naghihinala na binayaran ang transferees bilang preparasyon sa pagtakbo ng isang lumipat na pulitiko para maging mayor sa Pugo.
Maaring nangyayari na ang mga ganito sa Pugo noon pang mga nakaraang eleksiyon. Hindi dapat ipagwalambahala ang nangayayaring ito sa Pugo.
Kapag binayaan, mapapatuloy ang pagbalahura sa halalan. Dapat magmatyag ang namamayan sa maitim na balak. Sa susunod na taon ay election na kaya dapat maging bukas ang mga mata.
* * *
Para sa reaksiyon o komento, i-send sa: art.dumlao@gmail.com