Kaso ito ng mag-asawang Bella at Jimmy. Napatay ni Bella si Jimmy dahil umano sa pambubugbog nito sa kanya. Sanhi umano ito ng pagpasok ng espiritu ng demonyo kay Jimmy na pinagbantaan siyang patayin. Ito bang pagbabantang ito ay sapat nang depensa sa kasong parricide na sinampa laban kay Bella dahil sa pagpatay kay Jimmy?
Nakatira si Bella at Jimmy sa probinsiya at may dalawang anak, si Cely na panganay edad 20 at si Gerry na 15-anyos. Ang pagsasama nila ay hindi matibay dahil palaging ginagastos ni Jimmy ang pera nila sa pagsusugal at pag-inom ng alak na humahantong ng pambubugbog kay Bella. Mayroon ding kabit si Jimmy, si Lina.
Napatay ni Bella si Jimmy noong umuwi ito na lasing dahil sa inuman ng tuba pagkaraan ng away nila at pagdispatsa nito ng mga lupa nila. Ginastos pala ni Jimmy ang pera sa inuman at pag-alaga sa kabit. Agad natulog si Jimmy sa maliit na kuwarto at hindi na kumain kasama ng kanyang mga anak at asawa.
Ginising ni Bella si Cely na panganay at sinabing patay na si Jimmy. Sinabi ni Bella kay Cely na pinatay niya si Jimmy dahil tinakot siya na patayin. Kaya tinulungan ni Cely si Bella na dalhin ang bangkay ni Jimmy sa tabi ng sapa at iniwan doon.
Kinabukasan ng tanghali pumunta ang hepe ng pulis sa barrio nila noong nalaman na may patay sa sapa kasama ang Huwes de Paz (Justice of the Peace) at Sanitary Inspector.
Nakita nila ang bangkay ni Jimmy sa sapa at ineksamin ito ng Sanitary Inspector. Pagkaraang makipag-usap kay Cely, inaresto ng hepe ng pulisya si Bella na nagbigay ng kuwento niya. Pagkaraan ay dinala nila si Bella sa Huwes de Paz at tinanong si Bella kung nagbigay ba talaga siya ng dokumento tungkol sa nangyari. Kinumpirma ito ni Bella kaya inawtentiko nito ang dokumento sa harap ng dalawang testigo.
Kaya matapos ang imbestigasyon dinemanda na si Bella ng parricide sa Regional Trial Court (RTC). Tumestigo ang anak ni Bella na si Cely, ang hepe ng pulis at Huwes de Paz na inulit at kinumpirma lahat ng nangyari ayon sa kuwento ni Bella (Exhibit C) at ang health officer tungkol sa mga sugat na tinamo ni Jimmy na namatay dahil pagdurugo (internal hemorrhage) basag na utak at compression dahil sa mga tinamong sugat sa mga pukpok.
Dineklara ni Bella na lahat ng ginawa niya ay upang ipagtanggol ang sarili dahil sa mga ginawa ni Jimmy sa kanya na umuwing lasing at binugbog siya.
Ngunit hindi tinanggap at pinaniwalaan ng RTC ang depensa ni Bella at pinasyahan siyang talagang may sala ng “parricide” na may sentensiyang life imprisonment. Kinumpirma ito ng Supreme Court (SC) na hindi raw katanggap-tanggap ang depensa ni Bella dahil ang mga natamong sugat ni Jimmy ay hindi sanhi ng dalawang pukpok lang ng kahoy.
Inamin na rin ni Bella na may sala siya noong imbestigasyon ng kaso sa tagausig. Sinalungat din ng mga anak niya ang kanyang kuwento. Sabi ng SC na ang “exhibit c” ay nagsalaysay ng totoong nangyari dahil ito ay ginawa noong nagsisisi pa si Bella at wala pang pagkakataon umisip ng kuwentong magliligtas sa kanya.
Kaya talaganag may sala siya kahit na nga si Jimmy ay talagang nambubugbog at nanakit at sentensiyahan ng parusang habambuhay sa kulungan (People vs. Canja, G.R. L.-2800, May 30, 1950).