Bilang Mayor, isa sa mga pangunahin kong pangako ang patuloy na pagpapabuti ng mga benepisyo at kondisyon ng trabaho para sa ating mga guro. Mahalaga sa akin na malaman ninyo kung gaano natin pinapahalagahan ang ating mga guro sa Makati.
Para sa mga guro at iba pang staff ng DepEd sa Makati, marami kaming ibinibigay na benepisyo. Kasama na rito ang access sa comprehensive medical benefits sa ilalim ng Makati Health Program o Yellow Card. Hindi lang ‘yan, may mga financial benefits din kami para sa kanila. Taun-taon, naglalaan ang lungsod ng budget para sa iba’t ibang financial incentives, kabilang na ang dagdag na allowances para sa mga guro sa SPED at sa Alternative Learning System (ALS).
Ngayong taon, may P103.5 million tayong inilaan para sa iba’t ibang incentives ng mga empleyado ng DepEd Makati. P77.5 million dito ay para sa monthly allowance ng ating mga guro. May hiwalay pa na budget para sa mga teaching-related staff at non-teaching personnel. Nakalaan ang P5.2 million para sa teaching-related staff at P4.3 million para sa non-teaching personnel. Tuwing Disyembre, mayroon ding fringe benefit na P6,000 na ibinibigay namin.
Para naman sa ating SPED teachers, may extra silang P2,500 monthly allowance mula sa isang alokasyon na P1.95 million sa ating budget ngayong taon. Ito ay bilang pagkilala sa kakaibang husay at pagsisikap na kailangan sa kanilang trabaho. Sinusuportahan din natin ang mga guro ng Asatidz, na nagtuturo ng wikang Arabo at Islamic Values sa ating mga estudyanteng Muslim, na may buwanang allowance na P4,500.
Sa pamamagitan ng ating Special Education Fund, halos P15 million ang nakalaan para sa Teacher Effectiveness and Competence Honing (TEACH) program. Ito ay para magbigay ng mga oportunidad sa ating mga guro na sumailalim sa executive at specialized courses sa mga piling unibersidad sa Metro Manila. Taun-taon tuwing Oktubre, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Teachers’ Month, namimigay din tayo ng mga customized teacher’s kit. Noong 2019, ang kit ay naglalaman ng Bluetooth speaker, wireless presenter, tumbler, Teacher’s Plan at Students Data Record, First Aid kit, Makatizens pouch na may school supplies, notepad, 64GB flash drive, voice amplifier, laptop bag, at Makatizen jacket.
Ang mga sumunod na kits ay naglalaman ng mas marami pang teaching aids at freebies tulad ng mga gift certificates para sa kainan, salon at spa services, at groceries na nagkakahalaga ng P1,500. Talaga pong walang katulad at di matatawaran ang sakripisyo ng ating mga guro.
Sila ang humuhubog sa mga susunod na lider at mga makabagong isipan hindi lamang ng Makati kundi pati na rin ng buong bansa. Ang kanilang dedikasyon at pagmamahal sa mga bata ay hindi lamang nagbibigay ilaw sa kasalukuyang henerasyon kundi nagtatanim din ng mga binhi para sa mas magandang kinabukasan. Ang bawat araw, bawat leksiyon, bawat hamon na kanilang hinaharap ay may malalim na impact sa mga susunod na panahon.
Pakiusap ko po sa bawat Makatizen na kilalanin ang kahalagahan ng bawat guro. Bigyan natin sila ng respeto, pagpapahalaga, at suporta. Sa pagsisikap nating ito, sama-sama nating itatayo ang isang mas maliwanag, matatag, at better na kinabukasan para sa lahat.