NAGMISTULANG kabute na nagsusulputan ang sugalan sa Cagayan Valley at wala nang magawa ang mga awtoridad. O natapalan na ng salapi kaya naging inutil na?
Sa Bambang, Solano at Villaverde, Nueva Vizcaya, namamayagpag si Herson dahil sa proteksiyong nakukuha mula sa lokal na gobyerno at pulis. Ang kapalit ay perang padulas na binibigay ng lingguhan, kinsenas o buwanan. Nakarating na rin si Herson sa Allacapan, Cagayan ganundin sa Tabuk City, Kalinga, Apayao, para magtayo ng mga sugalan.
Sa Cauayan City, Isabela, hawak ni Rey “Zuma” Tizon ang pasugalan na nasa likod ng Talavera mall. Hawak din niya ang mga sugalan sa San Mateo, San Guillermo, Echague at Cordon. Nakarating na rin ang kanyang kamandag sa Lallo, Cagayan.
Nagpapasugal naman si dating barangay chairwoman Maribel Tanchangco sa San Antonio, Alicia, Isabela at sa Bagabag at Bayombong, Nueva Vizcaya. Mayroon din siyang sugalan sa Tarlac.
Sabi umano ni Tanchangco, malapit siya kay Nueva Vizcaya Gov. Jose Gambito at Congressman Ian Dy ng 3rd district ng Isabela. Napapaikot umano niya sa kanyang mga kamay si Brig. Gen. Christopher Birung ng Cagayan Valley police ganundin ang Provincial Directors ng Nueva Vizcaya at Isabela.
Matindi talaga kapag naduldulan ng pera ang mga awtoridad dahil pumipikit at nagbingi-bingihan. Lugmok sa sugalan ang Cagayan dahil sa sabwatan ng lokal na pamahalaan, pulisya at iba pang sangay ng pamahalaan.
Namamayagpag din ang Small Town Lottery (STL) sa Cagayan Valley. Sinasabayan pa ito ng bookies operations ng parehong operator din ng STL sa Nueva Vizcaya.
* * *
Para sa reaksiyon o komento, i-send sa: art.dumlao@gmail.com