Guico vs Gambito sa isyu ng Malico

UMIINIT ang bangayan nina Pangasinan Gov. Ramon Guico III at Nueva Vizcaya Gov. Jose Gambito ukol sa Bgy. Malico, isang bulubunduking pamayanan na maihahalintulad sa Baguio City ang klima.

Ayon kay Guico,  sakop ng bayan ng San Nicolas ang Malico dahil noon pa nakapaloob na ito sa Pangasinan. Naglaan na nga ang Pangasinan ng P200 milyon para sa pagpapaunlad ng Malico upang maging summer capital ng probinsya.

Hinamon naman ni Gambito si Guico na mag-aral munang magsalita ng Kalanguya bago angkinin ang Malico.

Sagot naman ni Guico, hindi lengguwahe ang basehan ng pagma-may-ari sa isang lugar kundi ang kasaysayan. Hinamon niya si Gambito na mag-allocate din ng P200 milyon upang ipakita ang pagmamalasakit sa Malico.

Hanggang ngayon, nakapaloob ang mga pampublikong eskuwelahang elementarya at sekondarya ng Malico sa Pangasinan Second Schools Division.

Unang nabuksan ang kalsada mula Santa Fe, Nueva Vizcaya papunta sa Malico.  Ang 23-kilometer Pangasinan segment ng Villaverde Trail (Pangasinan-Nueva Vizcaya Road) ay nagawa lamang noong 2020 na bumabagtas sa Caraballo Mountains mula Bgy. Santa Maria East sa San Nicolas, Pangasinan hanggang Bgy. Imugan, Santa Fe, Nueva Vizcaya. 

Isinara ito noong 1980s dahil mahirap imintina at kawalan nang gumagamit sa kalsada. Nasira ito ng lindol noog Hulyo 16, 1990 nang magkaroon nang maraming landslides at road cuts.

Mararating ang Malico mula sa San Nicolas sa pamamagitan ng apat na oras na biyahe mula Tayug, San Quintin at Umingan sa Pangasinan, hanggang Lupao at San Jose, Nueva Ecija.

Sa aking palagay nararapat nang resolbahin ang pro­blemang ito sapagkat kapakanan ng mamamayan ng Malico ang nakasalalay. Hindi dapat palubhain ang usaping ito.

* * *

Para sa reaksiyon o komento, i-send sa: art.dumlao@gmail.com

Show comments