SA pagpapaalis sa taong nakaokupa sa lupa, ang tanong ay kung sino ang may-hawak at hindi kung sino ang may-ari.
Ang lupa dito sa kaso ay may sukat na 150 metro kuwadrado na may titulo at nasa magandang subdibisyon. Ito ay nakarehistro sa pangalan nina Mandy at Lina na ang kasal ay napawalambisa na dahil meron na palang asawa si Mandy. Kaya pumunta si Lina sa ibang bansa para magtrabaho.
Nang bumalik si Lina dito sa Pilipinas, nagulat siya nang malaman na may iba na palang nakaokupa sa lupa na hindi niya kilala. Sabi ng nakaokupa sila raw ay nagbabayad ng upa kay Andy na pamangkin ni Lina.
Inamin naman ni Andy na siya nga ang namamahala sa lupa at komukolekta ng renta para sa kanyang tiyahin na si Mila, kapatid ni Lina. Noong sinabi ni Lina na siya ang may-ari nito,kusang umalis si Andy at Mila sa lupa at binigay kay Lina ito.
Kaya kinuha ni Lina ang upa at pinasa niya ang pamamahala nito sa kanyang kapatid na si Cora na siya nang kumokolekta ng renta sa mga nakaupa.
Noong bumalik na si Lina sa U.S. sinabihan siya ni Cora na bumalik na sina Andy at Mila sa lupa at pinagbawalan ang mga umuupa na pumasok sa lupa. Kaya pumunta si Cora sa barangay at kumuha ng abogado para paalisin si Andy, Mila at ang mga nakaokupa sa lupa. Pero umayaw ang mga ito. Kaya nagsampa na ng kaso si Lina sa korte (MeTC) para paalisin sila (forcible entry case).
Bilang depensa sinabi ni Andy at Mila na hindi naman si Lina ang may-ari nito, kundi si Mandy na asawa niya at ang kanilang kasal ay napawalang bisa na. Bukod dito sinabi na ni Mandy na si Mila ang bagong may-ari ng lupa.
Pagkaraan ng paglilitis nagpasya ang korte pabor kay Lina at pinaalis sina Mila at Andy. Pinagbabayad din sila ng danyos.
Kinumpirma ito ng RTC na si Lina ay kapwa may-ari nito dahil nabili ito noong mag-asawa pa sila ni Mandy at mapagbibili lang ni Mandy ang kanyang hati dito pero ang dokumentong pinirmahan niya ay na pabor kay Mila ay hindi katibayan na nilipat na niya kay Mila ang kanyang parti dito.
Ngunit sabi ng Court of Appeals (CA) na ang kasong isinampa ay hindi tumpak dahil pag-aari (ownership) at di posesyon ang pinag-uusapan dito. Kaya binaliktad ng CA ang desisyon ng RTC. Tama ba ang CA?
Sabi ng Korte Suprema hindi tama ang CA. Kahit na pag-aari ng lupa ang usapin ng kasong ito, maaari pa ring pasyahan ng korte ang usaping ito sa kasong pagpapaalis sa lupa (ejectment case) na tungkol lang sa posesyon kung ang pag-aari ay konektado sa posesyon.
Sa kasong ito nakaposesyon na si Lina nang puwersahang pumasok muli sa lupa sina Andy at Mila (Esperal vs. Esperal and Biaoco, G.R.229076, September 16, 2020).