Ang isyu hinggil sa kontrobersiyal na Mayor ng Bamban, Tarlac ay isang munting patak lang sa isang karagatang problema. Ang problemang iyan ay ang posibilidad na nakapasok na sa bansa ang sangkatutak na espiya at sundalong Intsik sa kalupaan ng Pilipinas. Isyu ito na kahit tayong mamamayan ay hindi dapat maliitin at ipagwalambahala.
Bagama’t ang suspendidong mayor na si Alice Leal Guo ay may karapatan para dumulog sa hukuman, naglulutangan na ang mga ebidensya na peke ang kanyang pagka-mamamayan at siya ay isang Chinese citizen.
Isang Chinese citizen na posibleng sa pakikikutsaba ng mga kababayan nating nasa kapangyarihan ay nakapagnakaw ng identity ng ibang kababayan natin, nakuhang dayain ang pagkatao at nakatakbo at nanalong mayor ng isang munisipalidad sa Tarlac. As I said, isang patak lang siya at dapat laliman ang imbestigasyon ng pamahalaan upang malaman kung mayroon pang mga katulad niya ang dapat habulin at pigilin sa masama nilang tangka sa bansa.
Ang POGO hubs ay malamang pugad din ng mga Chinese spies at mga sundalo na napatunayan sa pagsalakay ng mga awtoridad sa isang sentro ng POGO sa Porac, Pampanga na nakakumpiska ng mga sandata at Chinese military uniform. Ang nakasasakit ng damdamin ay ilang mga kababayan pa natin mismo ang mga kasabwat nila.
Magsitayo na sana lahat ang mga kababayan nating may tunay na pagmamahal sa bayan upang ipagtanggol ang ating bansa sa mga dayuhang manlulupig!