Walong taon bago nakamit ng pamilya Bonifacio ang hustisya sa pagpatay sa kanilang kaanak na sina Luis at Gabriel Bonifacio. Sina Luis at anak na si Gabriel ay binaril ng apat na pulis noong Setyembre 15, 2016 sa kanilang bahay sa Caloocan habang nagsasagawa ng anti-drug operations. Ayon sa pamilya Bonifacio, sinalakay ng mga pulis ang kanilang bahay kahit hindi sangkot sa droga ang mag-ama. Pinababa ng mga pulis ang mga tao sa bahay at naiwan sina Luis at Gabriel. Nagmakaawa ang asawa ni Luis na si Mary Ann sa mga pulis subalit tinutukan siya ng baril sa ulo. Nakarinig sila ng mga putok ng baril mula sa loob ng bahay. Natagpuang patay si Luis na may tama ng mga bala habang si Gabriel ay nag-aagaw-buhay. Isinugod ito sa ospital subalit dead-on-arrival. Sinampahan ni Mary Ann ng murder charges ang mga pulis noong Marso 2017.
Noong Martes, hinatulang guilty ng Caloocan City Regional Trial Court ang apat na pulis na nakilalang sina MSgt. Virgilio Cervantes, Cpl. Arnel De Guzman, Cpl. Johnston Alacre at Cpl. Artemio Saguros Jr. Hinatulan silang mabilanggo ng 10 taon at pinagbabayad ng P400,000 bawat isa bilang danyos. Sabi ni Mary Ann, inaasahan nila na habambuhay na pagkabilanggo ang parusa sa mga pulis. Ganunman, nagpapasalamat sila at naisilbi na ang hustisya.
Maraming pulis ang naging “uhaw sa dugo” dahil sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang ng Duterte administration. Binigyan ng lisensiya para pumatay. Sa war on drugs ng Duterte administration, tinatayang 6,252 ang namatay. Ang masaklap, ang mga napatay ay napatunayang inosente sa drug charges. Kabilang sa mga napatay ng pulis sa isinagawang drug operation ay mga inosenteng kabataan.
Kabilang sa mga napagkamalang kabataan sina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman. Si Kian ay sapilitang inaresto ng mga pulis sa Caloocan City at saka walang awang binaril habang nakaluhod at nagmamakaawa. Si Arnaiz ay tinaniman ng droga saka pinatay. Si Kulot ay sinunog at natagpuan ang bangkay sa Nueva Ecija.
Noong Nobyembre 2022, hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo si PO1 Jeffrey Perez dahil sa pag-torture at pagpatay kina Arnaiz at De Guzman noong 2017.
Marami pang pulis ang umabuso sa war on drugs ng Duterte administration at marami ang naghihintay pa ng hustisya. Marami pa rin ang naghihintay na isang araw ay maisisilbi rin ang katarungan. Patuloy silang maghihintay.
Ang madilim na kabanata ng war on drugs ng Duterte administration ay hindi na dapat maulit. Marami ang umaasa sa pamumuno ni PNP chief Gen. Rommel Marbil na wala ng mga pulis na “uhaw sa dugo’’ sa pagpapatupad ng giyera laban sa droga.