Pagsusulong ng solar power sa QC pinaigting

NITONG mga nakalipas na linggo, nakaranas tayo ng red at yellow alerts bunga ng pagpalya ng ilang coal-fired power plants sa iba’t ibang parte ng bansa.

Ang mga nasabing yellow at red alerts ay nauwi sa dag­dag-singil sa kuryente sa ating mga consumer.

Sa gitna ng mga power interruption na ito, muling nabigyan­ ng seryosong pansin ang paggamit ng renewable energy bilang alternatibong pagkukunan ng kuryente, gaya ng solar­, na sinasabing mas malinis at mas matipid.

Sa lungsod Quezon, kasama sa ating plano na paig­tingin ang pagpapatupad ng QC Solarization Program nga­yong taon para sa lahat ng gusali, ospital at mga paaralan na pagmamay-ari ng siyudad upang mabawasan ang pagsandal natin sa non-renewable energy.

Ito’y isa ring paraan upang maisulong ang mga pagkilos ng siyudad ukol sa climate change.

Pagsapit ng 2030, nais natin na solar powered na ang lahat ng tanggapan ng QC government.

Sa ngayon, nasa 600 photovoltaic solar panels na ang nakakabit sa malalaking gusali ng City Hall.

Makikita ang 180 panels sa ating 15-floor High Rise Main Building, 108 sa Legislative Building at nasa 290 panels naman ang nakapuwesto sa Treasury Building.

Ibinalita sa atin ni City Engineer Atty. Dale Perral na makatitipid sa kuryente ang tatlong gusaling may solar panel­ ng hanggang P1.5 milyon kada taon. Makakatulong din ang pagkilos na ito para mabawasan ang carbon foot­print ng siyudad ng 125 tonelada.

Ang matitipid ng siyudad mula sa konsumo ng solar-powered buildings ay maaaring gamitin para sa maintenance at rehabilitasyon ng anim na Day Care Centers o apat na Health Care Centers kada taon.

Inaasahang lalaki pa ang matitipid ng lungsod dahil plano nating maglagay ng mahigit 1,000 solar panels sa mga ospital at paaralan na pagmamay-ari ng siyudad.

Kasama na rito ang Rosario Maclang Bautista General Hospital, Novaliches District Hospital, at Quezon City General Hospital.

Kasama rin sa target lagyan ng solar panels ngayong taon ang Culiat Elementary School, Culiat High School, Judge Feliciano Belmonte Sr. High School, New Era High School, at Tandang Sora Elementary School.

Para mahikayat ang QCitizens na gumamit ng solar energy, maglalagay ang siyudad at Meralco ng one-stop-shop sa City Hall nang mapadali ang kanilang aplikasyon para sa solar energy at net-metering.

Umaasa rin tayo na susuportahan ng pribadong sektor ang ating Green Building Ordinance para maisakatuparan na sa lalong madaling panahon ang minimithi nating sustainable at green city.

Show comments