Simple ang kasuotan ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy nang makipagpulong kay Presidente Bongbong Marcos. Nakasuot lamang siya ng itim na t-shirt at casual na pantalon na animo’y hindi Presidente ng bansa.
Alam natin na mahigit nang dalawang taon na dinidigma ng Russia ang Ukraine. Umiikot sa iba’t ibang bansa si Zelenskyy upang himukin ang Community of Nations na dumalo sa Swiss-organized global peace summit on the war in Ukraine, isang importanteng summit na hindi pinapansin ng Russia at China.
Paano naman pahahalagahan ng dalawang “war freak nations” ang ganitong pulong? Nangako si Marcos na dadalo sa pulong na ito. Maging ang United States ay nag-commit din na dadalo na ang kakatawan ay si VP Kamala Harris.
Surprise visit ang pagtungo ni Zelenskyy sa Pilipinas dahil ito’y walang anumang announcement ngunit napalibutan siya ng tight security. Ngunit nakikita natin ang urgency ng kanyang mission.
Sa tindi ng mga banta sa pandaigdig na seguridad, ang kailangan talaga ng mundo ngayon ay kapayapaan. At ang mailap na kapayapaan ay matatamo lang kung magkakaisa ang lahat ng bansang may pagpapahalaga sa world peace.
Pinasalamatan ni Zelenskyy si Marcos sa pagpapahayag ng interes na makilahok sa pulong. Wala akong nakikitang dahilan para tanggihan ni Marcos ang pagdalo sa summit. Naniniwala ako na ito’y mainam na panimulang hakbang upang mahinto na ang mga kaguluhan sa daigdig.