Tutulan man natin ang diborsiyo, kapag Ito’y naging batas ay mahirap nang pigilan. Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa Kamara de Representante ang absolute divorce bill.
Palibhasa, marami sa pagsasama ng mag-asawa ang umaasim sa dakong huli sa maraming dahilan. Kasama riyan ang pagtataksil, pananakit, psychological incapacity, kabaklaan o katomboyan at marami pang iba.
Iyan ang dahilan kung bakit maraming couples ang gustong mag-live in na lang. Pero komo tayo’y bansang Kristiyano, marami ang tumututol diyan. Ang kasal kasi ay panghabambuhay na commitment ng babae at lalaki na sinumpaan sa harap ng Diyos.
Ngunit sakaling mapagtibay nang ganap ang bill, ang magagawa lang ng mga tagasalungat ay magprotesta sa Mataas na Hukuman pero malamang na mananalo pa rin ang pagpapatupad ng batas.
Napakadali kasing magpakasal lalo na sa mga kabataan na sumapit na sa legal na edad. Marahil, dapat magkaroon ng mga mahigpit na requirements sa mga ikinakasal upang tiyaking handa na sila emotionally at financial stable upang makapagtaguyod ng pamilya.
Sabi nga ng mga nakatatanda, ang pagsasama ay hindi parang kaning isusubo na iluluwa kapag napaso.