Isa sa mga bagong batas ngayon ay ang Republic Act 9262 o ang karahasan sa mga babae at mga bata. Ito ay isinabatas dahil ang mga babae at bata ay tinuturing na higit na mabibiktima ng karahasan dahil sila ay mas mahina.
Kaso ito ng mag-asawang Eddie at Minda na may tatlong anak. Madalas na pinagagalitan, hinahamak at tinatakot ni Eddie si Minda at kanilang mga anak.
Kaya nagsampa na ng petisyon si Minda sa RTC upang protektahan at pangalagaan sila laban kay Eddie at pigilan siya sa kanyang mga ginagawa sa kanila.
Kahit na tinanggi ni Eddie ang reklamo, nagpasya ang Korte pabor kay Minda. Pinigilan si Eddie na takutin at gumawa ng marahas na aksiyon laban kina Minda.
Kinumpirma ito ng Court of Appeals (CA). Umapela si Eddie sa Supreme Court (SC). Sinabi niya na ang kanilang mga anak ay may gulang na kaya hindi na sila sakop ng nasabing batas dahil kaya na nilang ipagtanggol ang sarili.
Ngunit kinumpirma pa rin ng SC ang desisiyon ng CA. Ayon sa SC, hindi binubukod ng batas ang mga bata dahil sa kanilang edad.
Ayon sa batas ang miyembro ng pamilya ay ang mag-asawa, magulang, mga anak at apo at mga lolo at lola, mga kapatid na lalaki at babae kahit magkasama sa isang bahay o hindi.
Kaya kahit na ang mga bata ay nasa edad na, pinoprotektahan pa rin sila ng batas. Ang Korte ang magsasabi kung sinong miyembro ng pamilya ang dapat proteksiyunan.
Kaya tama ang desisyon ng CA. Si Eddie ay kailangan ding turuan ng eksperto ng pagpigil sa kanyang galit (Estacio vs. Estacio, G.R. 211851, September 16, 2020.)