Mga pagkaing pampalakas at pampatalino

Kapag gusto mong mag-ehersisyo o magtrabaho ng mabigat, kailangan mo ng sapat na lakas. Makukuha natin ito sa mga sumusunod na pagkain.

1. Saging – Napakaganda ng saging sa mga nag-e-ehersisyo dahil mayroon itong taglay na carbohydrates, vitamin B at potassium. Ang potassium ay kailangan sa normal na pagtibok ng puso at paggalaw ng muscles. Masdan niyo ang mga tennis players na palaging kumakain ng saging. Malakas sila.

2. Spaghetti – Nagbibigay ng lakas ang spaghetti dahil sa taglay nitong carbohydrates. Sa mga diabetic, mas mainam ang spaghetti kaysa sa kanin, dahil mas hindi tataas ang iyong asukal sa dugo.

3. Gatas – Ang gatas ay isang kumpletong pagkain dahil mayroon itong carbohydrates, protina at fats. May vitamin B pa ito na nagbibigay ng lakas. Piliin lamang ang low-fat milk para hindi tumaba.

4. Chocolate Bar – Para sa kabataan, puwedeng kumain ng tsokolate dahil mayroon itong asukal, gatas at cocoa. Maituturing itong energy bar. Pero limitahan lang ang kakainin sa isang maliit na hiwa at baka ikaw ay tumaba.

5. Pakwan – Ang pakwan at buko ay napakabisang natural energy drinks. Ang pakwan ay may 92% alkaline water na mabuti sa katawan. Punung-puno din ang pakwan ng vitamin B, potassium at electrolytes na kailangan ng taong laging pinapawisan. Maganda rin ang pakwan bilang panlaban sa heat stroke at init ng panahon.

6. Buko – Ang sabaw ng buko ay mayroong maraming electrolytes na maihahambing na sa suero na ginagamit ng doktor. Ang laman ng buko ay may carbohydrates na nagpapalakas at nakabubusog din.

7. Nilagang itlog – Ang itlog ay siksik sa protina, vitamin B at vitamin D. May sangkap pa itong Choline na kailangan ng ating utak. Limitahan lang ang pagkain sa 1 o 2 itlog sa maghapon.

8. Nilagang mani – Ang mani ay punung-puno din ng protina, minerals at good fats na nagbibigay ng lakas. Mas masustansya ang nilagang mani kaysa sa pritong mani dahil wala itong mantika at mababa sa asin.

Dagdag payo para lumakas: Kumain ng mas madalas pero katamtaman lamang. Ito’y para makakuha tayo ng tuluy-tuloy na suplay ng enerhiya mula sa pagkain. Sa umaga, kumain din ng masustansyang almusal para may lakas tayo.

Paalala: Huwag sosobrahan ang pagkain ng mga nabanggit dahil puwede tayong tumaba. Tandaan lamang na kapag mayroon tayong kinain, ay sasabayan ng ehersisyo para matunaw ito.

Mga pagkaing pampatalino (brain foods)

May mga pagkain na posibleng makatulong sa pagiging healthy ng ating utak. Kapag sapat sa bitamina at nutrisyon ang iyong pagkain, mas magiging matalas ang iyong pag-iisip at memorya kumpara sa mga taong hindi kumakain nito.

Alamin natin itong mga tinaguriang “brain foods”:

1. Mani – Ang mani ay may taglay na vitamin E at good fats. Ayon sa pagsusuri, kapag mataas ang lebel ng vitamin E sa iyong katawan, mas matalas din ang iyong pag-iisip. May tulong din ang mani para sa memorya. Puwedeng kumain ng nilagang mani, kasoy at walnuts. Huwag lang piliin ang pritong mani na may maraming asin. Limitahan din ang pagkain ng mani sa isang dakot lamang (30 grams) dahil mataas din ito sa calories.

2. Matatabang isda (oily fish) – Ang mga oily fish ay ang tuna, tilapia, salmon, sardinas, tamban at taba ng bangus. May taglay itong omega-3 fatty acids na nagpapaganda ng daloy ng dugo. Dahil dito, mababawasan ang tsansang magkaroon ng sakit sa stroke at atake sa puso. Subukang kumain ng 4 ounces ng isda tatlong beses kada linggo.

3. Itlog – Ang itlog ay mataas sa choline, isang kemikal na kailangan ng mga bata para mag-develop ang kanilang utak at memorya. Mataas din sa vitamin A, iron at folate ang itlog. Puwedeng pakainin ang bata ng 1 itlog bawat araw. Ngunit kung ikaw ay may sakit sa puso o mataas ang kolesterol, limitahan ang pagkain ng itlog sa 3 itlog bawat linggo.

4. Kape – Makatutulong ang kape para maiwasan ang Alzheimer’s disease at panghihina ng ating isipan. May sangkap na antioxidants at caffeine ang kape. May tulong din ang kape sa pag-memorya ng iyong inaaral pero panandalian lang ang epekto nito. Puwedeng uminom ng 1 o 2 tasang kape sa maghapon. Huwag din sosobrahan at baka bumilis ang pagtibok ng iyong puso. At sana ay huwag nang lagyan ng whip cream at full cream milk ang kape para hindi nakatataba.

5. Abokado – Ang abokado ay mayaman sa vitamin B at healthy fats (monounsaturated fats) na nagpapaganda ng daloy ng dugo sa utak. May mga pagsusuri sa hayop na nagpapakita na ang abokado ay nakababawas sa stroke at nakakababa ng blood pressure.

Bukod sa mga pagkaing ito, dapat din ay magkaroon ng healthy lifestyle para mapangalagaan ang ating utak. Matulog ng sapat at umiwas sa alak at sigarilyo.

Show comments